0 - NOLI ME TANGERE
SA AKING INANG BAYAN
Nakasulaat sa kasaysayan ng mga pagdaralita ng sangkatauhan ang isang kanser na may katangiang napakalubha kaya nagpupuyos sa galit munting di-masaling at naggigising ng matalim na kirot. Anupa't malimit na nais kitang tawagan kapag nasa gitna ako ng mga makabagong kabihasnan, kug minsan upang samahan ako ng iyong mga alaala, kung minsan upang maihambing ka sa ibang mga bansa, dahil malimit na tumatanghal sa akin ang iyong mahal na larawang may nakakatulad na kanser panlipunan.
Nilulunggati ang iyong kalusugan, na kalusugan din namin, at hinahanap ang pinakamabuting paglunas, gagawin ko sa iyo ang ginawa ng mga sinaunang makapagmungkahi ng lunas ang sinumang dumating na mananawagan sa Bathala.
At lungo sa mithiing ito, sisikapin kong ilarawan ang iyong kalagayan nang buong tapat at walang pangingimi; itataas ko ang bahagi ng lambong na tumatabing sa karamdaman, isasakripisyo ang lahat alang-alang sa katotohanan, kahit ang pagmamahal sa sarili, sapagkat, bilang anak mo, ipinagdurusa ko rin ang iyong mga kapintasan at kahinaan.
MGA TALA
Mula sa Latin ang pamagat na Noli Me Tangere at sinipi mula sa Ebanghelyo ni San Juan, XX:17 nang sabihan ni Hesus si Maria Magdalena: "Huwag mo akong salangin, sapagkat hindi pa ako nakaakyat sa aking Ama…" Sa kaniyang paghahandog ng nobela Sa Aking Inang Bayan, iniugnay niya ang siping Bibliko sa nais niyang itanghal na kanser panlipunan, "isang kanser na may katangiang napakalubha kaya nagpupuyos sa galit munting di-masaling at naggigising ng matatalim na kirot."
Ipinaliwanag pa ito ni Rizal sa isang sulat sa Pranses at isinalin ni Jovita Castro sa ganito:
"Noli Me Tangere, mga salitang kinuha mula sa ebanghelyo ni San Lucas, na ang kahulugan ay huwag mo akong salangin. Nasa akda kung gayon ang mga bagay-bagay sa ating bayan na hindi napag-uusapan kundi ngayon lamang; napakaselan kaya hindi maaaring salangin ninuman. Ako, tinangka kong gawin iyong walang may gusto: kinailangan kong sagutin ang mga paninirang-puri na daan-daang taon nang ibinubunton sa atin at sa ating bayan, inilarawan ko ang kalagayang panlipunan, ang buhay, ang ating mga paniniwala, ang ating mga pag-asa, ang ating mga mithiin, ang pakitang-tao na, kunwari'y Relihiyon, dumating dito sa ating bayan para pamulubihin tayo, para gahasain tayo…"
Bukod sa paghahandog na Sa Aking Inang Bayan, may epigrap sa portada na kinuha si Rizal mula sa isang dula ni Freidrich von Schiller. Malimit na hindi isinasama sa mga salin ng nobela ang siping ito mula sa Shakespeare Schatten. Sa orihinal na manuskrito ni Rizal, kinopya niya ang tatlong pangungusap ni Schiller sa Aleman at saka tinapatan ng salin sa Espanyol. Sa pagsasalin, tinangka ni Rizal na iugnay ang sipi sa sitwasyong kolonyal ng Pilipinas noong panahon niya, kaya ang salin niya sa ikadalawang pangungusap ay: Si no vernos mas que concejales, curas, alfereces y secretarios, de husares comandantes, y alguaciler. Samantala, sinikap ng tagasalin sa edisyong ito na panatilihin ang orihinal na mga pangalan ng mga opisyong inilista ni Schiller. Ibinatay ang salin sa koleksiyon ng mga akda ni Schiller na nahiram ng tagasalin sa Goethe-Institut, Aurora Boulevard, Lungsod Quezon at naging patnubay ang orihinal na pagsasa-Filipino ni RayVi Sunico, isang makatang dalubhasa sa wikang Aleman.
Mapapansin din sa pagkopya ni Rizal ang pagkakaiba ng kaniyang lista, ng mga tauhang klasiko sa ginamit na edisyon ng akda ni Schiller. Kay Rizal, nakalista si Achill (na isinalin niyang Aquiles) sa halip na si Anton. Sa edisyong ito, sinunod ng tagasalin ang nahiram na edisyon mula sa Goethe-Institut.