2 - SI CRISOSTOMO IBARRA.
Hindi sila tulad ng maririlag at bihis na mga binibini upang tumawag sa pansin ng lahat, kahit na ni Padre Sibyla. Hindi rin ang Kaniyang Kataas-taasan, ang Kapitan Heneral kasama ang kaniyang mga ayudante, upang mapukaw sa kaniyang matamang pagninilay ang tenyente. Napasulong nang ilang hakbang si Pray Damaso at natigagal sa parang bato—ang orihinal ng naka-frak sa larawan ang dumating, pigil sa kamay ang isang binatang luksang-luksa ang kasuotan.
"Magandang gabi po sa inyong lahat! Magandang gabi po, Padre!" unang bati ni Kapitan Tiago na humalik sa kamay ng mga alagad ng Simabahan na nakalimot namang magbendisyon. Inalis ng Dominiko ang salamin upang pagmasdan ang binatang bagong dating, samantalang putlang-putla't nandidilat si Pray Damaso.
"Ikinararangal kong ipakilala sa inyo si Don Crisostomo Ibarra, anak ng yumao kong kaibigan!" patuloy ni Kapitan Tiago. "Kararating lamang niya mulang Europa at aking sinalubong."
Pagkabanggit sa pangalan, narinig ang ilang bulalas ng paghanga. Nalimot batiin ng tenyente ang may bahay, nilapitan ang binata at sinuri mulang ulo hanggang paa. Kasalukuyan itong nakikipagpalitan ng nakaugaliang pagbati sa lahat ng pangkat at wala manding katangi-tangi sa kaniya maliban sa kasuotang itim sa gitna ng sala. Gayunman, taglay niya ang di-karaniwang taas, ang kiyas, ang mga kilos na naghahayag ng samyo ng isang malusog na kabataang ang katawan at kaluluwa'y pantay na nilinang. Mababakas ang kaniyang mukha, matapat at masaya, ang ilang mapusyaw na bahid ng duong Espanyol sa ilalim ng kaakit-akit na kulay-kayumanggi; mamula-mula ang mga pisngi, likha marahil ng matagal niyang paninirahan sa mga bansang malamig.
"Aba!" masayang bulalas niya ng pagkamangha, "ang kura ng aking bayan! Si Padre Damaso, ang matalik na kaibigan ng aking ama!"
Napatingin ang lahat sa Pransiskano. Hindi ito tuminag
"Ipagpatawad ninyo, nagkamali po ako!" dugtong na nalilito ni Ibarra.
"Hindi ka nagkakamali!" naitugon nito sa wakas sa tinig na nagbago. "Pero hindi ko kailanman naging matalik na kaibigan ang ama mo."
Dahan-dahang binawi ni Ibarra ang nakaunat na kamay, manghang-manghang tumitig sa kahrap, tumalikod at nakasagupa ang matigas na anyo ng tenyente na patuloy pa ring nakamasid sa kaniya.
"Binata, kayo ba ang anak ni Don Rafael Ibarra?"
Yumukod ang binata.
Bahagyang napakislot sa kaniyang silyon si Pray Damaso at tiningnan mulang ulo hanggang paa ang tenyente.
"Maligayang pagdating sa inyong bayan at mas mapabuti sana kayo rito kaysa inyong ama!" bulalas ng militar nang nangangatal ang tinig. "Nakilala ko't nakasama ang inyong ama, at masasabi kong isa siya sa mga taong karapat-dapat ng pagdangal at paggalang sa Pilipinas."
"Ginoo," sagot ni Ibarrang naantig ang damdamin, "ang pagpuri ninyo sa aking ama'y pumawi sa mga hinala ko hinggil sa kaniyang kapalaran, na kahit ako, akong anak niya, ay wala pang nalalaman."
Natigib sa luha ang mata ng matanda, bahagyang tumalikod, at matuling lumayo.
Napansin ng binata na nag-iisa siya sa gitna ng sala. Nawawala ang may bahay at wala siyang matagpuang magpapakilala sa kaniya sa mga dalaga, na karamihan ay nakamasid sa kaniyang mabuti. Matapos ang sandaling pag-aalinlanga, bunsod ng matapat at natural na ugali, lumapit siya sa kanila.
"Ipahintulot ninyo sa akin," aniya, "na labagin ko ang mahigpit na tuntunin sa kagandahang-asal. May pitong taon na akong wala sa sariling bayan, at sa aking pagbalik, hindi ko matiis na di magpugay sa kaniyang pinakamahalagang hiyas, ang kaniyang kababaihan."
Dahil wala isa mang nangahas sumagot, napilitang lumayo ang binata. Tinungo niya ang isang pangkat ng ilang kabalyero, na nang makita siyang papalapit ay bumuo ng isang kalahating bilog.
"Mga ginoo," aniya "may kaugalian sa Alemanya, kapag dumalo sa isang pagtitipon ang isang walang kakilala at walang magpakilala sa kaniya sa iba, siya mismo ang nagsasabi ng pangalan at nagpapakilala sa sarili, bagay na tinutugon nila nang pagayundin. Ipahintulot ninyong gamitin ko ang kaugaliang iyon, hindi dahil nais kong ipasok ang mga kaugaliang banyaga sapagkat napakagaganda rin ng sa atin, kundi dahil kailangan ko ngayon. Nagbigay-galang na ako sa langit at sa kababaihan ng aking bayan; nais ko namang magpugay ngayon sa kaniyang mga mamamayan, sa aking mga kababayan. Mga ginoo, ako si Juan Crisostomo Ibarra y Magsalin!"
Ipinakilala naman ng iba ang kani-kanilang pangalan na kahit paano'y di mahalaga, kahit paano'y di kilala.
"Ako si A—a!" tuyot na wika ng isang binatang bahagya nang yumukod. "Karangalan ko kaya ngayong makipag-usap sa isang makata na ang mga akda'y bumuhay sa sigla ng aking pag-ibig sa aking bayan? May nagsabi sa akin na hindi na kaya sumusulat, ngunit hindi nasabi sa akin ang sanhi…"
"Ang sanhi? Sapagkat hindi ginigising ang inspirasyon upang mangayupapa't magsinungaling. May isang inusig dahil tinula ang isang katotohanang hindi mababali. Tinawag akong makata, ngunit hindi ako maaaring tawaging baliw."
"At maaari po bang malaman kung ano ang katotohanang iyon?"
"May nagsabing leon din ang anak ng leon; muntik nang madestiyero ang nagsabi niyon."
Humahangos na dumating ang isang lalaking may masayang mukha, nakabihis ng tulad ng ibang tubo sa bayang ito, at may butones na brilyante sa pitsera. LUmapit ito kay Ibarra at nagwika habang iniaabot ang kamay.
"Ginoong Ibarra, matagal ko na kayong nais makilala. Matalik kong kaibigan si Kapitan Tiago, nakilala ko ang inyong kagalang-galang na ama… Ako si Kapitan Tinong, nakatira ako sa Tondo at sa lahat ng sandali'y may tahanan kayo roon. Umaasa akong pauunlakan ninyo kaming dalawin; sa amin na kayo kumain bukas!"
Lugod na lugod si Ibarra sa gayong kagandahang-loob. Nakangiting kinukuyumos ni Kapitang Tinong ang mga kamay.
"Maraming salamat po!" magiliw niyang sagot, "ngunit bukas din po ako aalis patungong San Diego."
"Sayang! Kung gayon, sa pagbalik na ninyo!"
"Nakahanda na po ang mesa!" patalastas ng isang serbidor ng Cafe La Campana. Nagsimulang dumulog ang lahat bagama't kailangan munang pakapilitin ang mga babae, lalo na ang mga Pilipina.