6 - SI KAPITAN TIAGO.
Hagase tu voluntad en la tierra
"Sundin ang loob mo dito sa lupa!"
Samantalang natutulog o nag-aalmusal ang ating mga tauhan, kilalanin natin si Kapitan Tiago. Hindi niya kami naging panauhin kailanman kaya wala kaming karapatan ni tungkuling maliitan siya sa pamamagitan ng naging pagligta sa kaniya kahit sa mga mahalagang pagkakataon.
Pandak siya, maputi ang kutis, bilugan ang katawan, at may mukhang salamat sa masaganang taba, na hulog ng langit ayon sa kaniyang mga tagahanga ngunit mula sa dugo ng maralita ayon naman sa kaniyang mga kaaway, mukhang higit na bata si Kapitan Tiago kaysa tunay niyang gulang. Aakalain ninuman na mga tatlumpu hanggang tatlumpu't limang taon lamang siya. Palagi siyang anyong banal sa panahong tinutukoy ng aming salaysay. Bilog ang kaniyang bungo, maliit at natatakpan ng buhok na kasing-itim ng kamagong, mahaba sa harap at maikling-maikli sa likod. Maraming lamang bagay-bagay, ayon sa sabi-sabi, ang hukay nito sa loob. Maliliit ang kaniyang mata bagaman hindi singkit at hindi nagbabago ang ipinahahayag kailanman. Manipis ngunit hindi sarat ang kaniyang ilong, at kung hindi nasira ang kaniyang bibig ng labis na pagnganga ng tabako't buyo at natabingi ang kaniyang mukha dahil sa pagtitipon ng sapal sa loob ng isang pisngi, masasabi sana namin na maaari niyang paniwalaan at maipalagay na maganda siyang lalaki. Sa kabila ng gayong bisyo, naiingatan niya upang laging maputi ang kaniyang sariling mga ngipin at ang dalawang ipinahiram sa kaniya ng dentista sa halagang labindalawang piso ang isa. ^fc6ff9
Itinuturing siyang isa sa mga ulo ng yamang propyetaryo sa Binondo at isa sa mga tinitingalang asendero dahil sa kaniyang mga lupain sa Pampanga at Laguna de Bay, lalo na sa bayan ng San Diego, na tumataas taon-taon ang buwis o upa. Paborito niyang bayan ang San Diego dahil sa mga nakalulugod na paliguan, bantog na sabungan, at dahil sa mga iniingatan niyang alaala. Maikli ang dalawang buwan na paninirahan niya roon sa loob ng isang taon. ^4c20ab
Maraming ari-arian si Kapitan Tiago sa Sto. Cristo, sa Kalye Anloague, at sa del Rosario. Siya at isang Tsino ang may hawal ng kontrata sa opyo, at hindi na kailangang sabihin na napakalaki ng nakukuha nilang pakinabang. Sila ang naghahatid ng pagkain ng mga bilanggo sa Bilibid at ng sakate sa maraming pangunahing bahay sa Maynila, na mangyari pa'y may kontrata. Kasundo ang lahat ng Maykapangyarihan, tuso, masunurin, at pangahas kailanma't nauukol sa pangangalakal ng mga bagay na kailangan ng iba, siya sa tangi't kinatatakutang kalaban ng isang nagngangalang Perez sa mga pagpapaupa o subasta ng mga tungkulin o hanapbuhay, na di kasi'y ipinagkakatiwala ng Pamahalaan ng Pilipinas sa mga piling kamay. Anupa't sa panahon ng mga pangyayaring ito, maligayang tao si Kapitan Tiago sa mga bagay na makapagdudulot ng kaligayahan sa isang tao na maliit ang bungo sa lupaing iyon: mariwasa siya, kasundo ang Diyos, ang Pamahalaan, at ang mga tao. ^c5be7d
Hindi mapag-aalinlanganan, halos tiyak na kasundo niya ang Diyos. Walang dahilang hindi makasundo ninuman ang mabait na Diyos kapag mabuti ang katayuan niya sa lupa, at kung hindi siya nakipag-usap kailanman sa Kaniya ay hindi rin naman Niya siya pinautang kailanman. Hindi kailanman dumulog si Kapitan Tiago sa Kaniya sa kaniyang mga dalangin, kahit na sa panahon ng kaniyang malalaking kagipitan. Mariwasa siya at ang ginto niya ang nagdarasal para sa kaniya. Upang magmisa't manalangin, nilikha ng Diyos ang mga makapangyarihan at palalong pari; upang magnobena't magrosaryo, nilikha ng Diyos sa Kaniyang walang-hanggang kabutihan ang mga maralita tungo sa ikabubuti ng mga mariwasa, ang maralita na sa bayad na sampiso ay makapagdarasal ng labing-anim na misteryo at magbabasa ng lahat ng banal na aklat, pati na ang Bibliyang Ebreo kung dadagdagan ang bayad. Kung minsa't sa isang malaking kagipitan ay mangailangan siya ng tulong ng langit at wala siyang mahagilap kahit isang pulang kandilang Tsino, dumudulog siya sa mga santo't santa ng kaniyang debosyon, pinangangakuan ng maraming bagay upang mapilit at mapaniwala sila sa wakas hinggil sa kabutihan ng kaniyang mga hangarin. Subalit, higit niyang pinangangakuan at lagi naman tinutupad ang Birhen sa Antipolo, ang Nuestra Senora dela Paz y Buenviaje. Sa ibang maliit na santo, hindi siya lumalapit nang maagap at kapuri-puri; kapag natanggap na ang nais, hindi na niya sila naaalaalang muli bagama't totoo ring hindi na sila muling inaabala kahit mangailangan pa. Batid ni Kapitan Tiago na maraming santo sa kalendaryo na walang ginagawa, at marahil wala ring ginagawa roon sa langit. ^bc179a
Ang isa pa, may palagay siya na ang Birhen sa Antipolo ang lalong makapangyarihan at lalong mabisa kaysa ibang Birhen, kahit na may dalang mga bastong pikas, mga hubad o nakadamit na Niño Jesus, mga kalmen, mga rosaryo, or mga kordon. Marahil, bunga ito ng kabantugan ng Birhen sa pagiging mahigpit, napakaingat sa kaniyang pangalan, ayaw na ayaw sa potograpiya sang-ayon sa sakristan mayor ng Antipolo, at nagingitim tulad ng kamagong kapag nagalit. Samantala, higit na malambot ang puso ng ibang mga Birhen, higit na mairugin. Alam ng lahat na may mga kaluluwang higit pang nagmamahal saisang haring absoluto kaysa isang konstitusyonal. Tanungin sina Luis XIV at Luis XVI, Felipe II, at Amadeo I. Dahil marahil dito kaya makikita sa bantog na santuwaryong ito na lumalakad nang paluhog ang mga di-binyagang Tsino at pati mga Espanyol, bagama't mahirap ipaliwanag kung bakit tumatakas ang mga kura dala ang salapi ng nakahihindik na Imahen, nagpupunta sa Amerika, at doon nag-aasawa. Ang pintuang iyon sa sala, natatabingan ng isang kurtinang seda, ay lagusan sa munting kapilya o oratoryo, na hindi maaaring mawala sa alinmang bahay Pilipino. Naroon ang mga diyos pantahanan ni Kapitan Tiago , at sinasabi nating mga diyos pantahanan sapagkat higit na nananalig ang ginoong ito sa politeismo kaysa monoteismo, na hindi niya naunawaan kailanman. Doon makikita ang mga imahen ng Sagrada Pamilya na garing ang mga dibdib at paa't kamay, mahaba ang mga pilikmata at kulot ang mapupulang buhok, pangunahing mga eskultura mula Sta. Cruz. Nakatanghal sa mga kuwadrong may oleo ng mga pintor ng Paco at Ermita ang mga pagkamartir ng mga santo, mga himala ng Mahal na Birhen, atbp.; nakatingala sa langit si Sta. Lucia at dala sa iang pinggan ang dalawa pang mata na may pilik at kilay, gaya ng nakalarawan sa tatsulok ng Trinidad o sa mga sarkopagong Ehipsiyo; si San Pascual Bailon, si San Antonio de Padua na nakaabitong ginggon, lumuluhang minumuni ang isang Nino Jesus na nakasuot-Kapitan-Heneral, nakasombrerong tricornio, sable't botas na tulad ng isinusuot sa sayaw ng mga musmos sa Madrid—nangangahulugan ito para kay Kapitan Tiago na kahit idagdag pa ng Diyos sa Kaniyang kapangyarihan ang sa Kapitan Heneral ay lagi pa rin Siyang paglalaruang tulad ng isang manyika ng mga Pransiskano. Makikita rin doon ang isang San Antonio Abad na may isang baboy na sa palagay ng marangal na Kapitan ay mapaghimalang kagaya ng santo at dahil dito'y hindi siya pinangahasang tawaging baboy kundi nilalang ng santo Senyor San Antonio; isang San Francisco de Asis na may pitong pakpak at abitong kulay kape, nasa ulunan ng isang San Vicente na may dalawang pakpak lamang ngunit may hawak namang trumpeta; isang San Pedro Martir na biniyak ang ulo ng talibong ng makasalanan, na tangan namang mahigpit ng isang nakaluhod na di-binyagan, sa tabi ng isa pang San Pedro na tumigpas sa tainga ng isang Moro, walang-alinlangang si Maiko,1 na kagat ang mga labi at namimilipit sa kirot, habang tumitilaok ang isang sasabungin at namamayagpag sa ibabaw ng isang haliging doriko, at batay rito'y nahaka ni Kapitan Tiago na walang kaibhan sa pagiging santo ang mabiyak at bumiyak. Sino ang makabibilang sa hukbong iyon ng mga imahen at makapagsasabi ng mga katangian at kagalingang inimbak doon?
Hindi sasapat ang isang kabanata!
Gayunman, hindi natin iiwang walang-banggit ang isang San Miguel na yari sa kahoy na ginintuan at pinintahan, halos isang metro ang taas; isang arkanghel, nakapangatlabi at nanlilisik, kunot ang noo at namumula ang mga pisngi. Taglay sa kaliwang bisig ang isang kalasag ng Griyego at iwinawasiwas ng kanan ang isang kris Joloano, makapaghuhulo sa kaniyang anyo na handa niyang tagain ang deboto o sinumang lalapit sa halip na ang demonyo na may mahabang buntot at mga sungay na nakabaon ang mga pangil sa kaniyang binti ng isang dalaga. Hindi kailanman lumalapit sa kaniya si Kapitan Tiago dahil sa takot na mapaghimalaan. Hindi ba't marami nang pagkakataong nabuhay ang isang imahen, kahit masama ang pagkagawa kung ihahambing sa mga nagbubuhat sa Paete, upang lituhin at parusahan ang mga ayaw maniwalang makasalanan? Balitang-balita ang isang Kristo sa Espanya, na dinudulugan bilang saksi sa mga pangako ng pag-ibig, ay nagpatunay sa harap ng isang hukom sa pamamagitan ng pagtango; na inalis ng isang Kristo sa pagkapako ang kanang bisig upang yakapin si Sta. Lutgarda, at ano? Hindi ba niya nabasa ang isang maliit na aklat, na inilathala kamakailan, tungkol sa isang sermon na ipinahayag sa pamamagitan ng mga kilos ng isang imahen ni Sto. Domingo sa Soriano? Walang binigkas na salita ang santo ngunit sa pamamagitan ng mga kilos niya'y nahaka o hinahaka ng may-akda ng maliit na aklat na nagpapahayag ito ng pagkagunaw ng mundo. Hindi ba't sinasabi rin na higit na matambok ang isang pisngi ng Birhen ng Luta sa bayan ng Lipa at may putik ang laylayan ng damit? Hindi ba't isang katibayang matematiko ito na namamasyal din ang mga banal na imahen nang hindi naglililis ng kasuotan, at sumasakit pa ang ngipin, marahil dahil sa atin? Hndi ba't nasaksihan niya, ng sarili niyang maliliit na mata, na gumalaw ang lahat ng mga Kristo sa sermon ng Pitong Wika at sabay-sabay at tatlong ulit yumuko, na ikinaiyak at ikinatili ng lahat ng kababaihan at maramdaming mga kaluluwang nakatadhanang umakyat sa langit? Ano pa? Kami man ay nakasaksi sa nagsesermon na itinuro sa madla sa yugto ng pagbababa ng krus ang isang panyong may bahid ng dugo, at nang iiyak na kami nang buong kabanalan, saka, sa kasawiang-palad ng aming kaluluwa, tiniyak sa amin ng isang sakristan na isang biro iyon—dugo ng isang inahin, inihaw, at kinaing incontinenti gayong Biyernes Santo… at mataba ang sakristan. Kaya si Kapitan Tiago, na isang taong maingat at banal, ay nangingilag lumapit sa kris ni San Miguel, "Hindi tayo dapat makipagsapalaran!" aniya sa sarili "Alam kong arkanghel siya, ngunit hinding-hindi ako nagtitiwala, hindi ako nagtitiwala!"
Hindi nakalilipas ang isang taon nang hindi siya dumadalong may dalang orkestra sa malaking kapistahan sa Antipolo. Kapag naroon na, siya ang nagbabayad ng dalawa sa maraming misa ng pasasalamat na bumubuo sa tatlong pasiyam at iba pang araw na walang pasiyam. Pagkatapos, maliligo siya sa bantog na batis o bukal na pinaliguan diumano ng banal na Imahen. Nakikita pa ng mga namamanata ang bakas ng mga paa at ang naiwang mga buhok sa matigas na bato nang magbanlaw ito, na kawangis ng sinumang babaeng gumagamit ng langis ng niyog, ngunit tila mandin asero o diyamante ang kaniyang buhok at tumitimbang ng isang tonelada. Naidadalangin tuloy namin na ipilig sana minsan ng nakahihindik na Imahen ang kaniyang banal na buhok sa mga mata ng mga namamanata at tuntungan sila sa dila o sa ulo.
Doon sa tabi ng batis, minamarapat ni Kapitan Tiago na kumain ng litson, dalag na sinigang sa mga dahon ng alibangbang, at iba pang lutuing walang-alinlangang masasarap. Malamang na mahigit sa apat na raang piso ang dalawang misa, ngunit nagiging mura kapag inisip ang luwalhating inihahandog sa Ina ng Diyos sa pamamagitan ng mga ruweda ng apoy, kuwitis, bomba't kanyong munti o berso, gaya ng tawag doon, at kung tutuusin ang malalaking pakinabang na, salamat sa mga misang ito, kakabigin niya bago matapos ang taon.
Gayunman, hindi lamang Antipolo ang tanghalan ng kaniyang maugong na debosyon. Sa Binondo, sa Pampanga't sa bayan ng San Diego, nagpapadala siya sa kura ng mga salaping ginto para sa mga misang pamintuho kapag tataya siya nang malaki sa sabong. Bukod pa, tulad ng mga Romano na sumasangguni sa kanilang mga manghuhula bago makipaglaban sa pamamagitan ng pagpapakain sa mga banal na manok, sinasangguni rin ni Kapitan Tiago ang sa kaniya ngunit alinsunod sa mga pagbabago ng panahon at bagong katotohanan. Pinagmamasdan niya ang ningas ng mga kandila, ang asó ng insenso, ang tinig ng pari, atbp., at hinuhulo-hulo sa lahat ng iyon ang kaniyang darating na kapalaran. Tinatanggap nang paniwala na bihirang matalo si Kapitan Tiago sa mga pustahan, at nangyayari iyon dahil paos ang pari, mahina ang ilaw, masebo ang mga kandila, o may napasamang huwad sa mga salapi, atbp., Pinatunayan sa kaniya ng isang tanod ng cofradia na may pagsubok ang mga kabiguang iyon, na dulot sa kaniya ng langit upang higit niyang pagtibayin ang kaniyang pananalig at debosyon. Minamahal ng mga kura, iginagalang ng mga sakristan, pinalalayaw ng mga Tsinong tindero ng kandila, at ng mga nagtitinda ng paputok o kastilyero, lubhang mapalad siya sa relihiyon dito sa lupa, at ipinalalagay ng ilang taong marangal at may malaking kabanalan na malakas din siya sa Hukumang Selestiyal.
Wala ring alinlangan bagama't mahirap paniwalaan na kasundo siya ng Pamahalaan. Dahil wala siyang kakayahang mag-isip ng isang kabaguhan at lubos nang nasisiyahan sa kaniyang modus vivendi, nakalaan siya sa lahat ng sandali na sumunod kahit sa pinakamababang opisyal sa alinmang opisina, maghandog mga pata ng hamón, mga kapon, mga pabo, mga prutas buhat Tsina sa anumang panahon sa buong santaon. Kapag nakarinig siya ng masamang salita laban sa mga katutubo, siya na hindi gayon ang palagay sa sarili ay nakikiayon at nagdaragdag pa ng alipusta; kapag binabatikos naman ang mga mestisong Tsino o Espanyol, nakikibatikos din siya sa paniwala marahin na lantay siyang Ibero. Siya ang unang pumupuri sa anumang buwis o abuloy, lalo na't may naamoy siyang isang kontrata o prangkisa sa likod niyon. May nakahanda siyang orkestra sa lahat ng sandali upang bumati o manapatan sa lahat ng gobernador, alkalde, piskal, atbp., sa kanilang mga kapistahan, kaarawan, kapanganakan, o kamatayan ng isang kamag-anak, sa maikling salita, sa anumang pagbabago sa nakamihasnan araw-araw. Para sa mga okasyong ito, nagpapagawa siya ng mga tulang papuri, mga awit parangal sa mahinahon at magiliw na gobernador, matapang at nakapangyayaring alkalde na nagkakamit sa langit ng palaspas (o pamalo) ng mga makatarungan, at iba pang bagay. ^b3aa68
Naging gobernadorsilyo siya ng masalaping gremyo ng mga mestiso, sa kabila ng pagtutuol ng marami na hindi gayon ang turing sa kaniya. Sa dalawang taon ng kaniyang panunungkulan, sampung frak ang nasira niya bukod sa gayundin karaming sombrerong de-kopa at kalahating dosenang baston. Ang frak at sombrerong de-kopa ang suot niya pagtungo sa Ayuntamiento, Malacañang, at kuwartel; ang sombrerong de-kopa at frak ang pansabong, pamalengke, pamprusisyon, pantindahan ng mga Tsino. Sa ilalim ng sombrero't sa loob ng frak, pinagpapawisan si Kapitan Tiago sa pagwasi-wasiwas ng bastong may borlas na nag-uutos, inaayos at ginugulo ang lahat ng bagay sa pamamagitan ng kilos na kahanga-hanga at ng anyong taimtim na taimtim na lalo pang kahanga-hanga.
Kaya't inaari siyang mabuting tao ng mga Maykapangyarihan, isang taong biniyayaan ng pinakamabuting loob, mapayapa, mapagkumbaba, masunurin, mpagbigay, at hindi nagbabasa ng anumang libro o peryodiko mula sa Espanya gayong mahusay magsalita ng Espanyol. Kaya tintingnan siya kalakip ang damdaming nahahawig sa dukhang mag-aaral nang pagmasdan ang takong ng kaniyang lumang sapatos—tabingi ang pagkapudpod ng takong dahil sa kaniyang nakagawiang paglakad. Nagkatotoo para sa kaniya kapuwa ang praseng Kristiyano at ang kawikaang di-Kristiyano na beati pauperes spiritu, "pagpalain ang mga dukha sa espiritu," at beati possidentes, "pagpalain ang mga may-ari," at bagay na bagay ikapit sa kaniya, ayon sa ilang, ang masamang salin mulang Griyego na "Papuri sa Diyos sa kaitaasan at kapayapaan sa mga taong may mabuting kalooban sa lupa!" sapagkat gaya ng makikita natin sa hinaharap, hindi sapat ang mabuting kalooban upang mabuhay ang isang tao sa kapayapaan.
Sa palagay ng mga di-banal, hangal siya; ng mga dukha, wala siyang awa, malupit, at mapagsamantala sa kasawian; at ng mga sakop niya, mapaniil at malupit. At ng kababaihan? Ay, ang mga babae! May mga mapanirang-puring bulungang umuugong sa mga maralitang tahanang pawid at may nagpapatunay na narinig niya ang mga taghoy, mga hibik, na kung minsa'y sinasalitan ng iyak ng isang sanggol. Hindi iisang dalaga ang itinuturo ng mapaghinalang daliri ng mga kapitbahay. Ang dalaga nama'y mukhang walang nalalaman at tuyot ang dibdib. Gayunman, hindi numakaw ng kaniyang tulog ang mga bagay na ito; walang sinumang dalagang gumulo sa kaniyang kapayapaan.
Isang matandang babae lamang ang nagpapahirap sa kaniya; isang matandang babae na karibal niya sa debosyon at tumatanggap mula sa maraming kura ng higit na marubdob na parangal at papuri kaysa tinatanggap niya sa pinakamabubuting araw niya. Umiiral kay Kapitan Tiago at sa babaeng balo, na tagapagmana ng mga kapatid at pamangkin, ang isang inggitang banal na nauuwi sa kabutihan ng Simbahan, gaya ng kompetisyon ng mga bapor sa Pampanga na humantong sa kabutihan ng madla. Hinandungan ba ni Kapitan Tiago ng isang pilak na baston na may esmeralda't topasyo ang kung sinong Birhen? Madaliang magpapagawa si Donya Patrocinio sa platerong Gaudinez ng isang yari sa ginto't tadtad sa brilyante. Sa prusisyon ng La Naval, nagpatayo si Kapitan Tiago ng isang arkong kabilaan ang mukha, gawa sa telang tigib sa palamuting ginintuan, may mga salamin, mga globong kristal, mga lampara't mga aranya. May apat na mukha naman ang kay Donya Patrocinio, dalawang bara ang higit na taas, at higit na hitik sa pabitin at palamuti. Kaya gagamtiin naman niya ang kaniyang lakas, ang kaniyang espesyalidad na mga misang may mga bomba't paputok, at makakagat na lamang ng gilagid ni Donya Patrocinio ang kaniyang mga labi dahil napakanerbiyosa niya at hindi makatagal sa repike ng kampana at lalong hindi sa putukan. Samantalang nangingiti ang lalaki, binabalak naman ng babae ang kaniyang pagganti at ang ibabayad na salaping hindi kaniya ukol sa pinakamahusay na orador buhat sa limang Korporasyon ng Maynila, sa mga lalong tanyag na kanonigo ng Katedral at pati mga Paulista upang mangaral sa mga banal na araw tungkol sa mga teolohiko't napakalalim na paksa sa harap ng mga makasalanan na wika ng palengke lamang ang nauunawaan. Ipupuna ng mga kakampi ni Kapitan Tiago na natutulog ang babae sa panahon ng sermon, subalit isasagot ng mga kakampi nito na bayad na ang sermon at ito ang nagbayad, at sa ibabaw ng lahat, ang pagbabayad ang pinakamahalaga. Sa dulo, dinaig siya nito nang handugan ang isang simbahan ng ginintuang tatlong pilak na anda at nagkakahalaga ng mahigit tatlong libong piso bawat isa. Inaasam-asam ni Kapitan Tiago ang mapalad na araw na huminto sa paghinga ang matanda, dili kaya'y matalo sa lima o anim nitong asunto, nang masarili niya ang paglilingkod sa Diyos. Sa kasamaang-palad, ipinagtatanggol ang mga asunto ng pinakamagagaling na abogado ng Real Audiencia. Ukol naman sa kalusugan nito, walang butas na maaaring paglagusan ng karamdaman. Tila isang alambreng asero, walang-alinlangang alang-alang sa kabutihan ng mga kaluluwa, nangangapit ito nang mahigpit sa mundong ito ng himutok tulad sa mahigpit na pagkapit ng isang singaw sa balat. May pananalig ang mga kakampi nito na tatanghalin itong banal kapag namatay at igagaling ni Kapitan Tiago kahit sa kaniyang mga altar, na tinatanggap naman niya at ipinangangako, mamatay lang ito agad. ^d4e138
Ganoon si Kapitan Tiago sa panahong iyon. Tungkol naman sa kaniyang nakaraan:
Bugtong na anak siya ng isang mag-aasukal sa Malabon na may sapat na yaman ngunit napakakuripot kaya ayaw gumugol kahit sangkusing ukol para sa pag-aaral ng anak. Dahil dito, naging utusan si Santiaguillo ng isang mabuting Dominiko, napakabuting tao, na nagsikap ituro sa kaniya ang lahat ng kaya at alam na kabutihan. Makakamtan na niya ang kaligayahang matawag na lohiko ng kaniyang mga kakilala, ang ibig sabihin, isang mag-aaral na ng lohika, nang mamatay ang kaniyang tagapag-ampon, kasunod ang kaniyang ama. Natapos ang kaniyang pag-aaral sapagkat kailangan niyang harapin ang mga naiwang negosyo. Ikinasal siya sa isang magandang dalagang taga-Sta. Cruz na tumulong sa kaniya sa pagpapayaman at nagtaas sa kaniyang katayuang panlipunan. Hindi nasiyahan si Donya Pia Alba sa pamimili ng asukal, kape't tina; ninais niyang magtanim at mag-anim kaya namili ang bagong kasal ng mga lupain sa San Diego at sa gayon nagsimula ang kanilang pakikipagkaibigan kay Padre Damaso at kay Don Rafael na pinakamayamang kapitalista ng bayan. ^9efc6f
Walang naging tagapagmana ang unang anim na taon ng kanilang pagsasama sa kabila ng pangyayaring balingkinitan si Donya Pia, malusog at mainam ang kiyas. Nagdulot iyon sa kanila ng pagsusumakit yumaman sa paraang halos katulad ng isang makasalanang hangarin. Walang bisa ang ginawang mga nobena; ang pagdalaw sa Birhen ng Casaysay sa Taal na ipinayo ng mga namamanata ng San Diego; ang pag-aabuloy; ang pagsasayaw sa prusisyon sa katanghalian kung buwan ng Mayo sa unahan ng Birhen ng Turumba sa Pakil. Walang bisa ang lahat, hanggang ipayo ni Pray Damaso na magtungo sa Obando, doon sumayaw sa pista ni San Pascual Bailo, at humingi ng isang anak na lalaki. Alam ng lahat na may isang Trinidad sa Obando na nagbibigay ng anak na lalaki o babae sang-ayon sa hiling: ang Nuestra Señora de Salambaw, si Sta. Clara, at si San Pascual. Salamat sa matalinong payo, nadama ni Donya Pia ang pagiging ina. Ngunit ay! Katulad niyong maningisdang binanggit ni Shakespeare sa Macbeth na huminto sa pag-awit nang makapulot ng kayamanan, nalaho kay Donya Pia ang saya, naging napakamalungkutin, at hindi na siya nakita pang ngumiti. Sumpong lamang ng naglilihi, sabi ng lahat, pati ni Kapitan Tiago. Isang lagnat ng kapapanganak ang tumapos sa kaniyang mga kalungkutan: naiwang ulila ang isang magandang sanggol na kinarga ni Padre Damaso habang binibinyagan. Sapagkat hindi ibinigay ni San Pascual ang hinihinging batang lalaki, pinangalanan itong Maria Clara alang-alang sa Birhen ng Salambaw na si Santa Clara, at hindi binanggit bilang ganti ang marangal na San Pascual Bailon. ^98b087
Lumaki ang bata sa pangangalaga ni Tiya Isabel, iyong butihing matanda na may ugaling prayle na nakatagpo na natin sa simula. Malaking bahagi ng taon ang inilalagi niya sa San Diego dahil sa nakalulusog nitong klima at hinahandugan siya roon ni Padre Damaso ng maraming pagdiriwang. ^df12c0
Hindi taglay ni Maria Clara ang maliliit na mata ng kaniyang ama; sa halip, tulad ng sa ina ang kaniyang matang malalaki, maiitim, at nalililiman ng mahahabang pilik, masaya't tumatawa kapag naglalaro, malungkot, malalim, at malamlam kapag hindi nakangiti. Halos mapula ang kaniyang buhok noong bata pa siya; maayos ang hugis ng ilong, hindi lubhang matangos at hindi naman sarat; ipinaaalaala ng kaniyang bibig ang maliit at marikit na bibig ng kaniyang ina na may masasayang puyo sa pisngi; singnipis ng balat ng sibuyas ang kaniyang kutis at simputi ng bulak ayon sa kaniyang nahahaling na mga kamag-anak, na sila ring nakapupuna na ang tanda ng pagkaama ni Kapitan Tiago ay nasa maliliit at maayos na tabas na tainga ni Maria Clara.
Iniuugnay ni Tiya Isabel ang mga katangiang iyon, na mala-Europeo, sa mga napagliham ni Donya Pia. Naalaala niyang sa mga unang buwan ng pagdadalang-tao, madalas niya itong makitang umiiyak sa harap ni San Antonio, Gayundin ang palagay ng isa pang pinsan ni Kapitan Tiago, naiba lamang ang napiling santo—ang Birhen o si San Miguel. Isang bantog na pilosopo ni Kapitan Tinong at saulado ang Amat, ang naghanap ng paliwanag sa mga galaw at lagay ng mga planeta.
Pinakagiliw ng lahat, lumaki si Maria Clara sa layaw ng mga ngiti't pagmamahal. Sinusuyo siya ng mga prayle kapag nakabihis ng puti sa mga prusisyon, nahihiyasan ng sampaga't asusena ang malago't kulot na buhok, may dalawang maliit na ginto't pilak na pakpak na nakakabit sa likod ng damit, at hawak ang dalawang kalapating puti na natatalian ng lasong asul. At napakasaya niya, taglay ang matapat na kasinungalingan ng isang musmos, kaya si Kapitan Tiago, na ulol sa pagmamahal, ay wala nang ginawa kundi purihin ang mga santo sa Obando at ipayo sa lahat na mag-ari ng magagandang eskultura.
Sa mga bayang mainit ang panahon, nagiging dalaga ang isang batang babae sa gulang na labintatlo o labing-apat, katulad ng buko sa gabing bulaklak kinaumagahan. Sa panahon iyon ng pagbabanyuhay, na tigib sa hiwaga't pangarap, ipinasok siya, sa payo ng kura sa Binondo, sa Beaterio de Sta. Catalina upang tumaggap sa mga mongha ng mahigpit na edukasyong pampanampalataya. Luhaan siyang nagpaalam kay Padre Damaso at sa tanging kaibigan at kalaro sa kaniyang kabataan, kay Crisostomo Ibarra na kasunod niyang lumisan patungong Europa. Doon, sa kumbentong iyon na nakakausap lamang ang daigdig mula sa isang dalawang saping rehas at natatanuran pa ng Madre-Escucha, pitong taon siyang lumagi roon. Samantala, mula sa kani-kanilang pananaw at pagkaunawa sa pagtatangi sa isa't isa ng dalawang kabataan ay nagkasundo sina Don Rafael at Kapitan Tiago sa pag-iisang-dibdib ng kanilang mga anak bukod sa nagsama sila sa pangangalakal. Ang pangyayaring ito na naganap ilang taon pagkaalis ng binatang si Ibarra ay magkasinlugod na tinaggap ng dalawang pusong nasa magkabilang dulo ng daigdig at nasa lubhang makaibang kalagayan. ^22c4a8
Footnotes
-
John 18:10: Then Simon Peter, who had a sword, drew it and struck the high priest’s servant, cutting off his right ear. (The servant’s name was Malchus.) ↩