Alinlangan si Ibarra. Waring pinawi ng panggabing simoy, na malimit nang lumamig sa mga buwang iyon, ang manipis na ulap na nagpakulimlim sa kaniyang noo. Nag-alis siya ng sombrero at humingang malalim.

Tila mga kidlat ang hagibis ng mga karwahe, tila libing naman ang pagdaraan ng mga kalesang paupahan. Naglilibot ang mga dayuhan mula iba't ibang bayan. Sa paglalakad na pabago-bago, na nagpapahalata ng pagkalibang o walang magawa, tinungo ng binata ang plasa ng Binondo at iginala ang tingin na tila may nais muling kilalanin. Iyon din ang mga dating kalye at mga dating bahay na may pintang puti't asul at mga pader na hinilamusan ng kalburo o pinintahang al fresco upang mapagkamalang batong-buhay. Patuloy na ipinagpaparangalan ng kampanaryo ang orasang may maaninag na mukha. Iyon din ang mga dating tindahan ng Tsino na may maruruming kurtina at mga barilyang bakal—isa sa mga ito ang binaluktot niya isang gabi bilang paggaya sa mga batang-lansangan ng Maynila. Wala pang nagtuwid sa barilyang iyon.

"Napakabagal ng lahat!" bulong niya at tinalunton ang Kalye Sacristia.

Pasigaw-sigaw pa rin ang mga sorbetero: "Sorbetes!" Sulo pa rin ang tumatanglaw sa dating mga puwesto ng mga Tsino at ng mga babae na nagtitinda ng kakanin at prutas.

"Kahanga-hanga!" bulalas niya. "Iyon pa rin ang Tsino noong pitong taong nakalipas, at ang matandang babae… iyon din! Maaaring sabihin na sa gabing ito'y napanaginip ko lang ang pitong taon sa Europa! At Diyos ko, di pa rin ayos ang bato gaya noong iwan ko!" Tunay namang nakahiwalay pa rin ang natungkab na bato ng bangketa sa panulukan ng mga kalye San Jacinto at Sacristia. Samantalang nililimi ang kahanga-hangang katatagang itp sa isang bayang walang katatagan, isang kamay ang dumantay sa kaniyang balikat. Nagtaas siya ng mukha at nakaharap ang matandang tenyente na halos nakangiti siyang minasdan. Wala ngayon sa militar ang matigas na anyo at ang kilay na ikinapapatangi niya.

"Binata, kaiingat kayo! Matuto kayo sa inyong ama!" aniya. "Ipagpaumanhin ninyo, ngunit mataas sa wari ko ang pagpapahalaga ninyo sa aking ama. Maaari ba ninyong sabihin sa akin ang naging kapalaran niya?" tanong ni Ibarra na tumitig din sa kaharap.

"Bakit, hindi ba ninyo alam?" tanong ng militar. "Itinanong ko na kay Don Santiago, ngunit nangakong bukas sasabihin sa akin. Baka may alam kayo?" "Palagay ko, tulad ng palagay ng lahat, namatay sa karsel!" Napaurong nang isang hakbang ang binata at sinipat ang tenyente mula ulo hanggang paa. "Sa bilangguan? Sino ang namatay sa bilangguan?" tanong niya. "Sino pa? Ang inyog ama, na napreso!" nagtatakang tugon ng militar. "Ang aking ama… nasa bilangguan… nabilanggo? Ano ang wika ninyo? Kilala ba ninyo talaga kung sino ang aking ama? Kayo ba…?" tanong ng binata at sinunggaban sa bisig ang militar. "Palagay ko, hindi ako magkakamali, si Don Rafael Ibarra." "Opo, si Don Rafael Ibarra," mahinang ulit ng binata. "Puwes, akala ko'y alam ninyo!" bulong ng militar sa tinig na tigib sa habag nang mahiwatigan ang nagaganap sa kalooban ni Ibarra. "Inaakala kong… pero lakasan ninyo ang inyong loob! Dito, hindi maituturing na marangal ang hindi muna pumapasok sa karsel!" "Dapat kong paniwalaan na hindi ninyo ako pinaglalaruan," mahinang tugon ni Ibarra makaraan ang ilang sandaling pananahimik. "Maaari ba ninyong sabihin kung bakit siya nabilanggo?" Nagnilay wari ang matanda. "Lubha akong natataka na hindi nila ipinabatid sa inyo ang mga mahalagang pangyayari sa inyong pamilya." "Sa huli niyang sulat, may santaon sa ngayon, sinabihan ako huwag mabahala kung hindi niya ako masulatan dahil magiging lubhang abal siya. Ibinilin na pagbutihin ko ang pag-aaral… benindisyunan ako." "Kung gayon, isinulat iyon bago siya namatay. May santaon na namin siyang nailibing sa inyong bayan." "Ano ang sanhi ng pagkabilanggo ng aking ama?" "Isang sanhing napakarangal. Pero sumama kayo sa akin sa kuwartel, ikukuwento ko habang lumalakad. Humawak kayo sa aking braso." Ilang sandaling lumakad silang walang imikan. Nagninilay wari ang matanda at humihingi ng patnubay sa kaniyang balbas na hinihimas-himas.

"Tulad ng inyong alam," bungad niya, "pinakamayaman sa probinsya ang inyong ama. Pero kahit mahal siya at iginagalang ng marami, may galit at inggit sa kaniya ang iba. Kaming mga Espanyol na pumarito sa Pilipinas, sa kasawiang-palad, ang wala sa nararapat naming kalagayan. Sinabi ko ito hindi lamang dahil sa inyong ninuno kundi dahil din sa mga kalaban ng inyong ama. Ang walang-tigil na pagpapalit, ang pagkasira ng loob ng mga nasa itaas, ang paboritismo, ang mura't maikling paglalakbay ang ugat ng lahat ng kasawiang ito. Dumarating dito ang mga itinakwil sa Peninsula, at kung may isang mabuti, madaling nahahawa ng kasamaan. Anupa't napakaraming kaaway ng inyong ama sa mga kura't Espanyol."

Dito sandaling huminto.

"May ilang buwan pagkaalis ninyo, nagsimula ang mga samaan ng loob nila niPadre Damasoat hindi ko malinawan ang tunay na dahilan. Binintangan siyang hindi nangungumpisal niPadre Damaso. Dati naman siyang hindi nangungumpisal pero matalik silang magkaibigan, gaya ng naalaala pa ninyo. Bukod dito, isang taong higit na marangal at makatarungan si Don Rafael kaysa maraming nangungumpisal at kinukumpisalan. May sarili siyang napakahigit na pamantayang moral at lagi niyang nasasabi sa akin kapag napag-uusapan namin ang mga naturang samaan ng loob: 'Senyor Guevarra, naniniwala ba kayong pinatatawad ng Diyos ang isang krimen, ang pagpatay halimbawa, sa pamamagitan lamang ng pagsasabi sa isang pari, isang tao na may tungkulin namang ilihim ito, at dail na rin sa takot niyang matosta sa impiyerno, ato ito ang kaniyang acto de atricion? Kahit na maging duwag at walanghiya siya? Iba ang aking pagkakilala sa Diyos,' aniya. 'Para sa akin, hindi maitutuwid ang isang mali ng isa pang mali, at hindi ito mapapatawad sa pamamagitan ng walang-kabuluhang pagtangis ni sa paglilimos sa simbahan.' At ibinigay sa akin ang ganitong halimbawa: 'Kung pinatay ko ang ama ng isang pamilya, kung ginawa kong isang sawing balo ang isang babae at mga kapuspalad na ulila ang ilang maligayang musmos, matutupad ko na ba para sa walang-hanggang Katarungan kung bayaam kong bitayin ako, o kung ipagtapat ko ang lihim para sa isang makapag-iingat nito para sa akin, maglimos sa mga kura na hindi naman nangangailangan nito, bumili ng bula de composicion, at manangis araw-gabi? At paano ang balo at mga ulila? Iniaatas ng aking budhi na kailangan kong tumbasan hanggat maaari ang taong pinatay ko, italaga ang lahat, ang buong buhay ko para sa kabutihan ng pamilyang dinulutan ko ng kasawian. At higit sa lahat, sino ang makapapalit sa pag-ibig ng asawa't ama?"

"Ganiyan kung mangatwiran ang inyong ama at nakabatay sa ganiyan kahigbit na tuntunin ang bawat gawin, kaya masasabing hindi siya nakasakit sa kahit sino kailanman. Sa kabilang dako, sinikap niyang pawiin sa pamamagitan ng mabubuting gawa ang ilang pagkakamali na ayon sa kaniya'y nagawa ng kaniyang mga ninuno. Pero balikan natin ang samaan nila ng loob ng kura na nauwi sa paglubha. Pinarunggitan siya niPadre Damasosa pulpito at isang himala ang hindi tahasang pagtukoy sa kaniya sapagkat maaaring asahan ang kahit ano sa ugali ng pari. Sinapantaha kong sa malao't madali'y magwawakas ito sa masama."

Sandaling huminto muli ang matandang tenyente.

"Noong panahong iyon, lumilibot sa inyong probinsiya ang isang dating artilyero, na natanggal sa tungkulin dahil sa labis na kalupitan at labis na kamangmangan. Sapagkat kailangan niyang mabuhay at makasisira naman sa aming karangalan na bigyan siya ng trabahong nangangailangan ng pagbabanat ng buto, binigyan siya, hindi ko alam kung sino, ng gawaing maningil ng buwis ng mga sasakyan. Ni hindi nakapag-aral ang sawimpalad at nahalata agad ito ng mga Indio. Para sa kanila, kamangha-mangha ang isang Espanyol na hindi marunong bumasa ni sumulat. Nilibak ng lahat ang kapuspalad, tinitimbang sa pangungutya ang bawat buwis na masingil, at batid niyang tampulan siya ng pag-aglahi, na lalong nagpaasim sa kaniyang pagkataong mula't mula pa'y magaspang na't masama. Sinasadyang ibigay sa kaniya nang baligtad ang sulat na binabasa naman niya kunwari at nilalagdaan saanman may puwang sa pakahig-manok na angkop lamang sa kaniya. Nagbabayad ang mga Indio pero nililibak siya; nilulunok niya ang kaniyang laway pero nakasisingil siya. Sa gayong kalagayan, wala siyang iginagalang na sinuman, at nagkapalitan sila ng inyong ama ng matitigas na salita."

"Nangyari isang araw samantalang ibinabali-baligtad niya para iayos ang papel na ibinigay sa kaniya sa isang tindahan, isang batang mag-aaral ang humudyat sa mga kasama, tumawa't itinuro-turo siya. Narinig niya ang tawanan at nakita ang kutyang nakabakas sa mukha ng mga naroon. Hindi siya nakatiis, biglang pumihit at hinabol ang mga batang nagtakbuhan habang sumisigaw ng ba, be, bi, bo, bu. Binulag ng poot at dahil wala siyang abutan, ibinalibag niya ang kaniyang baston na sumugat sa ulo ng isa at nalugmok ito. Sinugod niya ang bata at pinagtatadyakan, at wala isa man sa naroong nanlilibak ang naglakas-loob mamagitan. Sa kasawiang-palad, napadaan doon ang inyong ama. Dahil sa galit, sinugod ang kobrador, sinunggaban sa bisig, at walang-pakundangang pinagsabihan. Tiyak na nagdilim sa poot ang paningin ng huli, umambang magbubuhat ng kamay, pero hindi siya binigyan ng pagkakataon ng inyong ama, at sa pamamagitan ng lakas na nagbunyag na may dugo siyang Vasco… Sabi ng ilan, sinuntok siya; sabi ng iba, itinulak lamang. Ang nangyari, sumuray ang lalaki, makailang hakbang ay nabuwal at tumama ang ulo sa isang bato. Panatag na binuhat ni Don Rafael ang bata at dinala sa tribunal. May dugong lumabas sa bibig ng dating artilyero at hindi na nagkamalay, namatay makaraan ang ilang sandali."

"Tulad ng dapat asahan, namagitan ang hustisya. Napreso ang inyong ama at naglitawan ang kaniyang mga lihim na kaaway. Umulan ang mga paninirang-puri at pinaratangan siyang filibustero at erehe. Isang malaking desgrasya kahit saan ang maparatangang erehe, lalo na sa panahong iyon na alkalde ng inyong probinsya ang isang tao na nagtatanghal ng kaniyang debosyon, nagdarasal sa simbahan kasama ang kaniyang mga utusan, at nagrorosaryo nang malakas, marahil upang marinig siya ng lahat at makidalangin sa kaniya. Pero higit na masama ang maging filibustero at pumatay ng tatlong kobrador ng buwis na marunong bumasa, sumulat, at magpaliwanag. Nilayuan siya ng lahat, sinamsam ang kaniyang mga papeles at mga libro. Isinuplong siya dahil suskritor sa El Correo de Ultramar at sa mga peryodiko sa Madrid, dahil ipinadala kayo sa Suiza Alemanya, dahil nakunan siya ng mga liham at retrato ng isang binitay na pari, at dahil sa kung ano pang hindi ko alam. Ginagamit pansakdal ang anuman, pati ang pagsusuot niya ng kamisa kahit na may dugo siyang Peninsular."

"Kung naging iba marahil ang inyong ama ay nakalaya agad, lalo na sapagkat isang doktor ang nagkuro na isang uri ng pamumuo ng dugo ang ikinamatay ng sawimpalad na kobrador. Pero napahamak ang inyong ama dahil sa kaniyang yaman, sa kaniyang tiwala sa hustisya. Ako mismo, kahit laban sa loob kong magmakaawa kaninuman, humarap ako sa Kapitan Heneral, ang sinundan ng kasalukuyang nanunungkulan. Idinulog ko sa kaniya na hindi maaaring maging filibustero ang isang tao na umaampon sa lahat ng Espanyol, mahirap man o dayo'y binibigyan ng tahanan at pagkain, at sumusulak sa kaniyang ugat ang mapagkalingang dugong Espanyol. Winalang-halaga ang paghahain ko ng sariling buhay, ang panunumpa ko sang-ayon sa aking karukhaan at dangal bilang sundalo. Wala akong napala kundi masamang pagtanggap, lalo pang masamang pagpapalayas, at mabansagang chiflado!"

Huminto ang matanda upang magpahinga ngunit nang mapansing tahimik na naghihintay ang kasama ay nagpatuloy:

"Ginawa ko ang lahat ng dapat gawin sa bilin ng inyong ama. Dumulog ako sa bantog na abogadong Pilipino, ang binatang A. Pero tumangging hawakan ang usapin. 'Matatalo ito sa kamay ko.' aniya. 'Magiging sanhi ang pagtatanggol ko ng bagong paratang laban sa kaniya at marahil laban sa akin. Dumulog kayo kay Senyor M. na isang mapusok na orador, mahusay mangsap, Peninsularm at sikat na sikat.' Gayon nga ang ginawa ko, at hinawakan ng bantog na abogado ang usapin na buong galing at ningning niyang ipinagtanggol. Pero marami ang kaaway at ang ilan ay lihim at mahirap makilala. Napakaraming humarap na testigong sinungaling, at ang kanilang paninirang-puri, na sa ibang pook ay napapawi sana sa isang maparikala o mapang-uyam na pangungusap ng manananggol pero dito'y binibigyang-buhay at pinahahalagahan. Kapag napawalang-bisa ng abogado ang mga ito sa pamamagitan ng pagpapakita na nagsasalungatan sa isa't isa at maging sa sari-sarili, dagli naming lilitaw ang iba pang bintang. Pinaratangan siyang nangamkam ng maraming lupa, hiningan ng bayad-pinsala; nakipagkasundo anila sa mga tulisan upang igalang ang kaniyang bukirin at hayupan. Naging napakagusot ng asunto kaya wala nang makaintindi pagkatapos ng isang taon. Kailangang iwan ng alkalde ang kaniyang katungkulan: pumalit ang isang kilala sa katapatan, pero, sa kasawiang-palad iilang buwang nakapanungkulan; at ang humalili'y higit na mahilig sa mabubuting kabayo." "Ang mga pagtitiis, ang mga sama ng loob, ang mga hirap na dulot ng pagkapiit at ang pighati na makilala ang napakaraming walang utang na loob ay sumira sa kaniyang bakal na kalusugan. Dinapuan siya ng karamdaman na walang lunas kundi libingan. At nang matatapos na ang lahat, nang mapawalang-sala sa sakdal na kaaway ng Inang Bayam at sa pagkamatay ng kobrador, saka siya namatay sa karsel nang walang kapiling. Dumating ako upang masaksihan ang kaniyang pagyao."

Tumigil ang matanda; hindi umiimik gaputok man si Ibarra. Samantala, sinapit na nila ang pintuan ng kuwartel. Huminto ang militar at nagwika habang iniaabot ang kamay; "Binata, hingin mo ang ibang detalye kay Kapitan Tiago. Sa ngayon, magandang gabi! Kailangang tingnan ko kung may nangyari sa loob."

Madamdaming pinisil ni Ibarra, walang-imik, ang butuhang kamay at walang-kibong sinundan ng mata ang matanda hanggang mawala.

Dahan-dahang pumihit at nakita ang isang dumaraang karwahe. Kinawayan niya ang kutsero.

"Sa Fonda de Lala!" aniyang halos di marinig. "Kalalabas marahil nito sa kalaboso," haka ng kutsero paglatigo sa kaniyang mga kabayo.

Built with LogoFlowershow