Awit ng mga awit1

Maagang nagsimba sa umagang iyon sina Tiya Isabel at Maria Clara. Maringal ang bihis ng huli at may rosaryong asul ang mga butil, tila pulseras na nakabilibid sa kaniyang pulso;; nakasuot naman ang una ng salamin sa pagbasa ng "Ancora de Salvacion" habang idinaraos ang Banal na Sakripisyo.

Pagkaalis ng pari sa altar, ipinahayag ng dalaga ang nais nitong umuwi. Lubha itong ipinagtaka at ikinayamot ng tiya na nag-aakalang banal ang kaniyang pamangkin dili kaya'y madasaling katulad man lamang ng isang madre. Bubulong-bulong na tumindig ang butihing matanda at nag-antanda. "Ay, patawarin ako ng Diyos, na higit na nakauunawa sa puso ng mga dalaga kaysa inyo, Tiya Isabel," ang maaaring nasabi ng dalaga upang mapigil ang inaasahang mahihigpit bagama't mapagkalingang mga pangaral.

Nakapag-almusal na sila at nililibang ni Maria Clara ang sariling pagkainip sa pagtahi ng isang sutlang bolsilyo2 habang sinisimulang burahin ng tiya ang bakas ng kalilipas na pagdiriwang sa pamamagitan ng plumero. Sinisiyasat nama't binabalikan ni Kapitan Tiago ang ilang papeles.

Bawat ingay sa kalye, bawat dumaang karwahe ay nagpapatahip sa dibdib ng dalaga at ikinatitigatig niya. A, nais sana niya ngayong naroon siyang muli sa kaniyang tahimik na beateryo, kapiling ang kaniyang mga kaibigan! Doon matitingnan niya siya nang hindi nanginginig, hindi nalilito! Ngunit hindi ba't kaibigan mo siya mulang pagkabata, hindi ba't naglalaro kayo ng kung ano-ano at nag-aaway kung minsan? Hindi ko na kailangang ipaliwanag ang sanhi ng ganitong mga bagay. Kung ikaw na bumabasa sa akin ay umibig na, mauunawaan mo, at kung hindi, walang saysay na ipaliwanag sa iyo; hindi mauunawaan ng mga wala pang karanasan ang mga hiwagang ito.

"Palagay ko, Maria, may katwirang ang doktor," ani Kapitan Tiago. "Dapat kang pumunta sa lalawigan. Napakaputla mo, kailangan mo ng sariwang hangin. Ibig mo bang sa Malabon…o sa San Diego?"

Pagkarinig sa huling ngalan ay namula si Maria Clara na tila amapola, at hindi nakasagot.

"Pumunta kayo ngayon ni Tiya Isabel sa beateryo upang kunin ang iyong mga damit, at magpaalam ka sa iyong mga kaibigan," patuloy ni Kapitan Tiago nang hindi nagtataas ng mukha. "Hindi ka na babalik doon."

Nadama ni Maria Clara ang di-mawaring pamamanglaw na lumulukob sa kaluluwa kapag tuluyan nang lilisanin ang isang pook na ikinaligaya natin, ngunit pinayapa ang lumbay na ito ng ibang saloobin.

"At sa loob ng apat o limang araw, pag may bago ka nang damit, pupunta tayo sa Malabon… Wala na sa San Diego ang iyong ninong. Ang kurang nakilala mo rito kagabi, iyong batang pari, ang baong kura natin doon. Isa siyang santo."

"Higit na mabuti sa kaniya ang San Diego, pinsan!" puna ni Tiya Isabel. "Bukod sa higit na mahusay ang bahay natin doon at malapit na ang pista."

Ibig na sanag yakapin ni Maria Clara ang kaniyang tiya, ngunit narinig niya ang paghinto ng isang karwahe at namutla siya.

"Kung sa bagay, totoo nga!" sagot ni Kapitan Tiago, ngunit nagbago ang himig na idinugtong, "Si Don Crisostomo!"

Nabitiwan ni Maria Clara ang ginagawa, ninais niyang kumilos ngunit hindi nangyari. Sinaklot ng matinding panginginig ang kaniyang buong katawan. Narinig ang mga yabag sa hagdan, at kasunod, ang iasng bagong tinig, ng isang lalaki. Tila may taglay na mahiwagang kapangyarihan ang tinig. Sinawata ng dalaga ang kaniyang damdamin at hangos na tumakbo at nagkubli sa oratoryo kapiling ng mga santo. Napatawa ang magpinsan, at inabot pa ng pandinig ni Ibarra ang ingay ng pintong sinara.

Namumutla, humihingal, tinutop ng dalaga ang tumatahip na dibdib at nagpilit makinig. Narinig niya ang tinig, ang pinakamamahal niyang tinig, na kay tagal nang panahong naririnig lamang niya sa mga panaginip. Itinatanong siya. Hibang sa galak na hinagkan niya ang naapuhap na pinakamalapit na santo. Si San Antonio Abad, mapalad na santo noong buhay at kahit ngayong kahoy, lagi nang may magagandang tukso! Saka humanap ng butas, at nakita ang susian, upang masdan at suriin ang binata. Napangiti siya. Nang sunduin siya ng kaniyang tiya mula sa kaniyang panunubok, walang kamalay-malay sa ginagawa, niyakap niya sa leeg ang matanda at pinupog ng halik.

"Hangal kang bata ka! Anong nangyayari sa iyo?" nasambit na wakas ng matanda habang pinapahid ang sambutil na luha sa kaniyang makulubot na mga mata.

Napahiya si Maria Clara at tinakpan ang mga mata ng kaniyang mabibilog na bisig.

"Tena, mag-ayos ka, halika!" masuyong dugtong ng matanda. "Habang kinakausap niya ang iyong ama tungkol sa… halika, at huwag mo siyang paghintayin."

Pinabayaan ng dalaga na akayin siyang parang paslit, at nagkulong sila sa kaniyang silid.

Masiglang nag-uusap sina Kapitan Tiago at Ibarra nang lumitaw si Tiya Isabel, halos kinakaladkad ang kaniyang pamangkin na patinging-tinging kung saan-saan maliban sa mga tao. Ano kaya ang pinag-usapan ng dalawang kaluluwang iyon? Ano kaya ang ipinahayag sa wikang iyon ng mga mata, higit na mahusay kaysa mga bibig, wikang ipinagkaloob sa kaluluwa upang hindi makagambala ang tunog sa nag-uumapaw na damdamin? Sa mga sandaling iyon, kung ang mga saloobin ng dalawang mapalad na nilalang ay nagtatalik sa pamamagitan ng mga balintataw, maituturing na matamlay ang wika, magaspang, walang sigla, at tulad lamang ng nakatutulig at madagundong na kulog kung ihahambing sa nakasisilaw na liwanag at tulin ng kidlat. Wala itong ipinahahayag kundi isang damdaming kilala na, isang kaisipang batid na, at kung ginagamit ma'y dahil sa lunggati ng puso, na nakasasaklaw sa buong pagkatao at umaapaw sa kaligayahan, na nagnanais maipamalas ng tao sa tulong ng buo niyang isip at katawan ang tula ng kaligayahang inaawit ng kaluluwa. Walang maitutugon ang wika sa tanong ng pag-ibig buhat sa isang sulyap na kumikislap o palihim. Sa halip, sumasagot ang ngiti, ang halik, o ang buntonghininga.

At pagkatapos, upang makaiwas sa plumero ni Tiya Isabel na nagtataboy ng alikabok, nagtungo ang magsing-ibig sa asotea at nagniig nang may laya sa lilim ng maliliit na balag. Ano ang pabulong nilang pinag-usapan at ikinalito ninyo, mga pulang bulaklak ng kabelyo-de-anghel? Isaysay ninyo, kayong mga samyo sa inyong hininga at may mga kulay sa inyong labi! Ikaw, simoy, na nag-aral ng pambihirang mga himig sa katahimikan ng gabing madilim at sa hiwaga ng ating mga basal na kagubatan! Isaysay ninyo, mga sinag ng araw, makinang na patunay ng Kawalang-hanggan sa lupa, nag-iisang di-nahihipo sa daigdig ng mga nahihipo! Isaysay ninyo, kayong lahat, sapagkat pawang karaniwang kabaliwan lamang ang kaya kong sabihin!

Subalit dahil ayaw ninyo, tatangkain kong gawin ito.

Bughaw ang langit. May sariwang simoy, wala pang samyo ng talulot, na pumapaypay sa mga dahon at mga bulaklak ng mga baging—kaya nanginginig ang mga kabelyo-de-anghel—sa mga nakabiting halaman, mga tuyong isda't mga lamparang buhat Tsina. Ang lagaslas ng sagwang umiiwa sa malabong tubig ng ilog, ang kalugkog ng mga karwahe't kariton sa tulay ng Binondo ay malinaw na umaabot sa kanila bagaman hindi ang ibinubulong ng tiya.

"Mabuti nga, mababantayan kayo riyan ng mga kapitbahay," ani Tiya Isabel.

Sa simula, awala silang pinag-usapan kundi pawang walang kabuluhan. Iyong matatamis na kasinungalingang malaki ang pagkakahawig sa mga paghahambog ng mga bansa sa Europa—kaibig-ibig at sintamis ng pulut-pukyutan sa mga katutubo ngunit nakapagpapatawa kundi nakapagpapakunot sa noo ng mga dayuhan.

Tulad ng kapatid ni Cain, panibughuin ang dalaga at dahil dito, nagtatanong sa kaniyang kasintahan: "Naaalaala mo ba akong lagi? Hindi mo ba ako nalilimot sa iyong mga paglalakbay? Napakaraming malalaking lungsod at napakaraming magagandang dalaga!" ^67de43

Isa pang kapatid ni Cain, marunong umiwas ang binata at may halong kasinungalingan ang sagot.

"Maaari ba kitang malimot?" habang nabibighaning nakatitig sa maiitim na balintataw ng dalaga. "Maaari kaya akong magkulang sa isang sumpa, sa isang banal sa sumpa? Natatandaan mo ba ang gabing iyon, noong gabing bumabagyo at ikaw, nakita mo akong nag-iisang umiiyak sa tabi ng bangkay ng aking ina, at lumapit ka sa akin, idinantay mo ang iyong kamay sa aking balikat, ang iyong kamay na napakatagal mong ayaw pahawakan sa akin, at sinabi mo: 'Nawalan ka ng ina, hindi ako nagkaroon kailanman.'1 At sinamahan mo ako sa pag-iyak. Mahal ka niya at minahal ka niyang tulad sa isang anak. Umuulan sa labas at kumikidlat, ngunit pakiwari ko, nakaririnig ako ng tugtugin, parang nakita kong ngumiti ang bangkay. Ay, kung buhay lamang ang aking mga magulang at makita ka nila! Hinawakan ko ang iyong kamay at ang sa aking ina, sumumpa akong iibigin kita, paliligayahin anuman ang kapalarang ibigay sa akin ng langit. At sapagkat sumpa itong hindi ko kailanmang pinagsisihan, inuulit ko sa iyo ngayon."

"Maaari ba kitang malimot? Kapiling ko tuwina ang iyong alaala, iniligtas ako sa mga panganib ng paglalakbay, naging aliw ko sa pagiisa ng aking kaluluwa sa mga bayagang lupain. Dahil sa iyong alaala, nawalan ng bisa ang loto ng Europa2 na pumawi sa alaala ng marami nating kababayan tungkol sa mga pag-asa't kasawian ng Lupang Tinubuan! Sa mga panaginip, nakikita kitang nakatayo sa pasigan ng Maynila, nakatitig sa malayo, nababalot ng maligamgam na liwanag ng bukang-liwayway. Naririnig ko ang isang mahinay at malumbay na awit, pumupukaw sa aking natutulog na mga damdamin at sumasariwa sa gunita ng aking puso tungkol sa mga unang taon ng aking kabataan, sa ating mga katuwaan, sa ating mga laro, sa lahat ng nakaraang kaligayahang idinulot mo kapag nasa aming bayan ka. Sa pakiwari ko'y engkantada ka, ang kaluluwa, ang matulaing kinatawan ng aking Bayan: maganda, payak, magiliw, tapat, anak ng Pilipinas—ang magandang bayang taglay ang pinaglakip na mga dakilang katangian ng Inang Espanya at maririkit na ugali ng isang bata pang bayan, katulad ng pagsasanid sa pagkatao mo ng lahat ng kagandahan at kariktang ipinagpaparangalan ng dalawang lahi. Dahil dito, iisa lamang din ang pag-ibig ko sa iyo at ang ipinahahayag ko ukol sa aking Bayan."

"Maaari ba kitang malimot? Malimit kong akalaing naririnig ang tugtugin ng iyong piyano at ang himig ng iyong tinig, at tuwina sa Alemanya, kung dapithapong lumalaboy ako sa kakahuyang tinatahan ng mga kagila-gilalas na nilikha ng kaniyang mga makata at ng mga kataka-takang alamat ng kaniyang nakalipas na mga salinlahi, tinatawag ko ang iyong ngalan. Nakikita kita wari sa mga ulap na umiimbulog bulang kapatagan, naririnig ko wari ang tinig mo sa pagaspas ng mga dahon. At kapag mula sa malayo, ipinaririnig ng mga tagabukid na pauwi buhat sa kanilang gawain ang kanilang awiting-bayan, sumasaliw wari ang tinig kong panloob, umaawit ukol sa iyo, at pinag-aanyong totoo ang aking mga bungang-isip at panaginip. May pagkakataong naliligaw ako sa mga dawag ng bundok at inaabot pa ako ng dili, na lumalaganap doon nang dahan-dahan, pagala-gala akong naghahanap ng landas sa pagitan ng mga pino, aya, at ensina3, at kapag naglagos ang sinag ng buwan sa mga siwang ng masisinsing sanga, nakikita kita wari ko sa sinapupunan ng kakahuyan, kahawig ng isang di-matingkala't sumisintang anino na pumupuslit-puslit sa pagitan ng liwanag at dilim ng kasukalan. At kapag ipinaririnig na ng ruwisenyor ang sari-saring awit nito, inaakala kong nakikita ka't ikaw ang nagpapasigla."

"Naalaala ba kita? Sa tingin ko, hindi lamang ulap ang pinasisigla ng init ng iyong pag-ibig sapagkat pinagkukulay rin nito ang yelo! Sa Italya, ang napakalinaw at napakalalim na aliwalas ng langit ng Italya ay nangungusap sa akin ng iyong mga mata, ang kaaya-ayang tanawin nito'y nangungusap sa akin ng iyong ngiti, kawangis ng mga bukirin sa Andalucia na tigmak sa mga halimuyak ang hangin, tinatahanan ng mga gunitang silanganin, tigib sa tula't kulay, at nangungusap sa akin hinggil sa iyong pag-ibig! Kapag mga gabing may buwan, yaong inaantok na buwan, at namamangha ako sa Rhin, tinatanong ko ang sarili kung hindi ako pinaglalaruan ng aking guniguni sapagkat nakikita kita sa siwang ng mga alamo, sa pampang, sa bato ng Lorelei o sa ibabaw ng mga alon, umaawit sa katahimikan ng gabi, tulad ng dalagang engkantada ng aliw, upang magdulot ng saya sa pangungulila't pamamanglaw ng mga guhong kastilyo sa paligid." ^1366ba

"Hindi ako nakapaglakbay tulad mo. Wala akong nakilala kundi ang iyong bayan, and Maynila't Antipolo," sagot ng dalagang nakangiti sapagkat naniwala sa lahat ng isinalaysay ng binata. "Ngunit mula nang magpaalam ako sa iyo at pumasok sa beateryo, lagi kitang naaalaala, at hindi kita nilimot kahit iniutos sa akin ng kumpesor, kahit pinatawan ako ng maraming penitensiya. Nagugunita ko ang ating mga laro, ang ating mga away noong mga musmos pa tayo. Pinipili mo ang lalong magagandang sigay ukol sa siklot; hinahanap mo sa ilog ang pinakamabilog at pinakamakinis na mga batong iba't ibang ang kulay 'pag maglalaro tayo ng sintak. Ang tanga-tanga mo, lagi kang natatalo at naparurusahan. Ngunit pagbantil ko, iniingatan kong masaktan kita dahil naaawa ako sa iyo. Napakadaya mo naman sa sungka, higit pa sa akin, at kaya karaniwang nagtatapos tayo sa agawan. Naalaala mo ba noong talagang nagalit ka? Tinikis mo ako noon, ngunit pagkatapos, kapag naaalaala ko iyon sa beateryo, nangingiti ako, pinananabikan kita upang mag-away tayong muli… at daglian ding magbati."

"Mga bata pa tayo noong maligo tayo kasama ng iyong ina sa batis na nayuyungyungan ng mga kawayan. Maraming iba't ibang bulaklak at halaman sa pampang at sinabi mo sa akin ang mga pangalan sa Latin at Espanyol dahil nag-aaral ka noon sa Ateneo. Hindi kita pansin dahil nalilibang ako sa paghabol sa mga paruparo't tutubi, na parang aspile ang nipis ng mga katawan ngunit taglay ang lahat ng kulay ng bahaghari at lahat ng naaaninag sa nakar, na paligid-ligid at nagliliparan sa ibabaw ng mga bulaklak. Kung minsan, pakamay kong sinusubok gulatin at hulihin ang maliliit na isda, na matuling tumatalilis tungo sa mga lumot at mumunting bato sa pampang. Bigla kang nawala at nang magbalik ay may dala kang isang korona ng mga dahon at bulaklak ng suha. Ipinutong mo sa akin at tinawag akong Cloe Gumawa ka naman ng koronang baging ukol sa iyo. Ngunit kinuha ng iyong ina ang korona, niligis sa ibabaw ng isang bato, at inihalo sa panggugo sa ating ulo. Napaluha ka at sinabing hindi siya nakaiintindi ng mitolohiya. 'Tanga!' sagot ng iyong ina, 'Makikita mo't babango mamaya ang iyong buhok.' Natawa ako, nagdamdam ka, hindi mo ako kinausap, at maghapon kang walang imik, na ikinaiyak ko naman. Napakainit ng araw nang bumalik tayo sa bayan. Kumuha ako ng mga dahon ng sambong na tumutubo sa tabing daan, ibinigay ko sa iyo upang ipaloob sa iyong sombrero at nang hindi sumakit ang iyong ulo. ngumiti ka, pagkatapos hinawakan ko ang iyong kamay, at nagbati tayo." ^55efba

Galak na galak na napangiti si Ibarra, binuksan ang kaniyang kalupi, at binunot ang isang papel na ipinambalot sa mga dahong nangingitim, tuyo ngunit mabango.

"Ang mga dahon mo ng sambong!" sagot sa titig ng dalaga. "Ito ang lahat ng ibinigay mo sa akin."

Mabilis namang dinukot ng dalaga sa kaniyang dibdib ang isang munting supot na puting satin.

"Psst!" aniya at tinampal ang kamay ng binata. "Bawal humipo, isang liham ito ng pamamaalam." "Iyan ba ang sulat ko sa iyo bago ako umalis?" "Sinulatan ba ninyo ako ng iba pa, mahal kong Ginoo?" "At, ano ang sinabi ko sa iyo noon?" "Maraming kasinungalingan, mga pagdadahilan ng isang manlilinlang!" sagot ng dalagang nangingiti sa pahiwatig kung gaano niya ikinasiya ang mga kasinungalingang iyon. "Makinig! Babasahin ko sa iyo, ngunit lalaktawan ko ang mga panliligaw upang hindi ka magdusa."

At itinaas ang papel nang pantay-mata upang hindi makita ng binata ang kaniyang mukha, saka sinimulan:

"'Aking…' Hindi ko babasahin ang kasunod dahil isang kasinungalingan!" At pinaraanan ng tingin ang ilang talata. "'Ibig ng aking ama na umalis ako sa kabila ng aking pakiusap. "Lalaki ka," sabi sa akin, "kailangang isipin mo ang iyong kinabukasan at ang iyong mga tungkulin. Kailangang pag-aralan mo ang agham ng buhay na hindi maibibigay sa iyo ng iyong bayan upang pakinabangan ka niya balang-araw. Kapag nanatili ka sa piling ko, sa lilim ko, sa kaligirang ito ng kung ano-anong gawain, hindi ka matututong tumanaw sa malayo. Kaya't sa araw na mawala ako, makakawangis ka ng halaman na binanggit ng ating makatang si Baltazar: 'lumaki sa tubig, daho'y nalalanta munting 'di madilig, ikinaluluoy ang sandaling init.'4 Nakita mo na? Halos binata ka na ngunit umiiyak pa! Nasaktan ako sa sumbat na ito at ipinagtapat ko sa kaniyang iniibig kita." Tumahimik ang aking ama, nagnilay, at habang ipinapatong ang kamay sa aking balikat ay sinabihan ako sa tinig na nangangatal: "Akala mo ba ikaw lamang ang marunong magmahal, na hindi ka mahal ng iyong ama dahil ni hindi it masasaktan kahit malayo sa iyo? Nawala sa atin kamakailan ang iyong ina, patungo na ako sa pagtanda, nasa gulang akong naghahanap ng tangkilik at aliw mula sa kabataan. Ngunit, sa kabila ng lahat, tinatanggap ko ang aking pag-iisa at hindi ko alam kung makikita pa kitang muli. Ngunit kailangan kong isipin ang ibang mga bagay na higit na mahalaga… Bumubukas ang hinaharap ukol sa iyo, sumasara naman ukol sa akin. Sumisibol ang iyong pag-ibig, nangaluluoy na ang sa akin; may apoy na nag-aalab sa iyong dugo, may lamig na nanunuot sa akin. Magkagayon man, umiiyak ka sapagkat hindi batid kung paanong ipagpakasakit ang kasalukuyan alang-alang sa isang kinabukasang magiging kapaki-pakinabang sa iyo't sa iyong bayan!" Natigib sa luha ang mga mata ng ama ko, lumuhod ako sa kaniyang paanan, niyapos ko siya, humingi ng tawad, at sinabing handa na akong mawalay…'"

Natigil ang pagbasa dahil sa pagkabalisa ni Ibarra. Namumutla ang binata at lumalakad paroo't parito.

"Napapaano ka? Anong nangyayari sa iyo?" tanong ng dalaga. "Dahil sa iyo, nalimot ko na may pananagutan ako, na kailangan kong umuwi ngayon din sa aming bayan. Araw ng mga patay bukas."

Tumahimik si Maria Clara, ilang sandaling ipinako sa binata ang malalaki't mapangaraping mata, saka pumupol ng mga bulaklak at buong lumbay na nagwika: "Sulong na, hindi kita pipigilin pa. Ilang araw lang at magkikita tayong muli! Ialay mo ang mga bulaklak na ito sa puntod ng iyong mga magulang"

Makaraan ang ilang sandali, nanaog ang binata, kaalakbay sina Kapitan Tiago at Tiya Isabel, samantalang nagkulong si Maria Clara sa oratoryo.

"Ipakisabi ninyo kay Andeng na ihanda ang bahay at darating doon sina Maria at Isabel! Mabuting paglalakbay!" paalam ni Kapitan Tiago habang sumasakay ng karwahe si Ibarra patungong Plaza de San Gabriel.

At pagkatapos, sinabi upang aluin si Maria Clara, na umiiyak sa tabi ng isang imahen ng Mahal na Birhen: "Hayo na, magtirik ka ng dalawang kandilang tigalawang real, isa ukol sa Mahal na Poong San Roque at isa ukol sa Mahal na Poong San Rafael, ang patron ng mga manlalakbay. Sindihan mo ang lampara ng Nuestra Señora de la Paz y Buenviaje sapagkat maraming tulisan. Mabuti na ang gumugol ng apat na real sa esperma at anim na kuwarto sa langis kaysa magbayad kapagkuwan ng malaking pantubos!"

Footnotes

  1. Tinutukoy nito ang isang aklat ng Lumang Tipan, isinulat ni Haring Solomon, at nauukol sa pag-ibig. ↩ ↩2

  2. Maliit na supot ang ginagamit ng mga babae noon bilang sisidlan ng mumunting bagay. (purse) ↩ ↩2

  3. Mga punongkahoy na karaniwang tumutubo sa Kanluran. ↩

  4. Florante at Laura Saknong 200 "Para ng halamang lumaki sa tubig daho'y nalalanta munting di madilig ikinaluluoy ang sandaling init gayondin ang pusong sa tuwa'y maniig." ↩

Built with LogoFlowershow