3 - ANG HAPUNAN.
Jele, jele bago quiere "Aayaw-ayaw kahit ibig."
Halatang siyang-siya ang kalooban ni Pray Sibyla. Panatag na panatag siyang palakad-lakad at hindi lumilitaw ang panghahamak sa kaniyang timpi at manipis na mga labi. Nakikitungo siya kahit sa pilay na si Doktor de Espadaña, na paisa-isang kataga kung sumagot dahil may pagkautal. Nakatatakot ang init ng ulo ng Pransiskano, sinisipa ang mga silyang nakahalang sa kaniyang pagdaan at nasiko tuloy ang isang kadete, Taimtim ang tenyente; masiglang-masiglang nag-uusap ang iba at nagpupuri sa kasaganaan ng mesa. Umingos, tulad ng dapat asahan, si Donya Victorina, ngunit biglang lumingong galit na galit tulad ng isang natapakang ahas. At iyon nga ang nangyari, natuntungan ng tenyente ang kola ng kaniyang saya.
"Pero, wala ba kayong mata?" aniya.
"Mayroon, senyora, dalwang mas mabuti kaysa inyo: pero minamalas ko ang inyong kulot," walang-pakundangang sagot ng militar at lumayo.
Wala sa loob na tinungo ng dalawang relihiyoso ang kabesera ng mesa, marahil dahil nakagawian na, at gaya ng inaasahan, nakatulad nila ang nagkaagaw sa isang katedra—pinakapupuri sa salita ang kabutihan at kahusayan ng kalaban, ngunit ang kabaligtaran ang ibig ipahiwatig, at umuungol at pabulong-bulong kapag hindi naunawaan.
"Sa inyo nararapat, Pray Damaso!"
"Sa inyo, Pray Sibyla!"
"Kayo ang mas matagal nang kilala sa bahay na ito… at kumpesor ng yumaong maybahay… mas may gulang, dangal, at tungkulin…"
"Kung napakatanda gaya ng sabi mo, hindi! Sa kabilang dako, kayo ang kura ng karatig-pook!" maaskad na sagot ni Pray Damaso, bagama't hindi binitiwan ang silya.
"Kung siya ninyong utos, siyang masusunod," wikang patapos ni Padre Sibyla na umakmang uupo.
"Hindi ko iniuutos," hadlang ng Pransiskano, "hindi ko iniuutos!"
Mauupo na sana si Pray Sibyla nang hindi pinapansin ang pagtutol nang magkatama ang tingin nila ng tenyente, Ang pinakamataas na opisyal, sang-ayon sa palagay ng mga relihiyoso sa Pilipinas, ay mababa kaysa isang mangmang sa kusinero. Cedant arma togae, "yuyukod ang armas at toga," wika ni Cicero sa Senado; cedant arma cottae, "yuyukod ang armas sa abito," wika ng mga prayle as Pilipinas. Ngunit mapagbigay na tao si Pray Sibyla at nagwika: "Senyor Tenyente, nasa mundo tayo rito at wala sa simbahan. Para sa inyo ang upuang ito."
Ngunit kung ibabatay sa himig ng kaniyang tinig, kahit nasa mundo'y ukol sa kaniya pa rin iyon. Tumanggi ang tenyente, marahil dahil ayaw maligalig o dahil ayaw maupo sa gitna ng dalawang prayle.
Hindi naalala ng may-ari ng bahay ng sinuman sa nagkaagaw. Nakita ito ni Ibarra habang malugod at nakangiting minamasdan ang mga pangyayari.
"Bakit po, Don Santiago? Hindi ba ninyo kami sasaluhan?"
Ngunit okupado na ang lahat ng upuan: hindi kumakain si Lucullus sa bahay ni Lucullus.
"Hintay kayo! Huwag kayong tumindig!" ani Kapitan Tiago at pinigilan sa balikat ang binata. "Talagang iniukol ko ang piging na ito bilang pasalamat sa Mahal na Birhen dahil sa inyong pagdating. Hoy, dalhin dito ang tinola. Nagpaluto ako ukol sa inyo ng tinol, dahil matagal na marahil ninyong hindi natitikman."
Isang malaking lalagyang umaaso ang ipinasok. Matapos umulong ang Dominiko ng Benedicite na halos walang nakasagot, sinimulang ipamahagi ang nilalaman. Ngunit bunga marahil ng pagkalingat o ng ibang dahilan, napunta kay Padre Damaso ang pinggang sagana sa upo at sabaw at may nakalutang na isang hubad na leeg at isang makunat na pakpak ng inahin, samantalang mga hita't pitso ang kinakain ng iba, lalo na ni Ibarra na pinalad mapuntahan ng mga lamang-loob. Nakitang lahat iyon ng Pransiskano, dinurog ang mga piraso ng upo, hinigop ang kaunting sabaw, maingay na binitiwan ang kutsara, at padabog na itinulak ang pinggan. Nalilibang naman ang Dominiko sa pakikipag-usap sa binatang mapula ang buhok.
"Gaano katagal kayong wala sa bayang ito?" usisa ni Laruja kay Ibarra.
"Halos pitong taon."
"Kung gayon, baka nalimot na ninyo ito?"
"Hindi po. Bagaman waring nalimot ako ng aking bayan. palagi itong nasa isip ko."
"Ano ang ibig ninyong sabihin?" tanong ni Mapulang Buhok.
"Ang ibig kong sabihin, may isang taon na akong hindi tumatanggap ng balita buhat dito, kaya pakiramdam ko'y isa akong dayuhan na ni hindi alam kung kailan at kung paanong namatay ang kaniyang ama!"
"Aha!" bulalas ng tenyente.
"At nasaan kayo't hindi nakatelegrama?" tanong ni Donya Victorina. "Noong ikasal kami, tumelegrama kami sa Peñinsula."
"Senyora, nitong huling dalawang taon ay nasa Hilagang Europa ako—sa Alemanya't sa Polonyang Ruso."
Inakala ni Doktor de Espadaña, na hindi pa nangangahas magsalita hanggang sa mga sandaling iyon, na ito ang kaniyang pagkakataong makilahok.
"Naki—nakilala ko sa Espanya ang isang Polako na taga—Va—Varsovia, nagngangalang Stadtnitzki, kung tama ang tanda ko, nagkapalad ba kayong makadaupang-palad siya?" nahihiya't halos namumula niyang tanong.
"Marahil po," magiliw na sagot ni Ibarra, "ngunit hindi ko na maalaala sa sandaling ito." "Puwes, hindi siya maaaring ipag—ipagkamali sa iba!" dugtong ng Doktor na lumakas ang loob, "Makinang na parang gi-ginto ang kaniyang buhok at napakasamang mag-Espanyol."
"Mabuting mga palatandaan, ngunit sa kasawiang-palad, hindi ako nakapagsalita roon ng kahit isang salitang Espanyol maliban sa ilang konsulado."
"At paano kayo nakipag-usap?" humahangang tanong ni Donya Victorina.
"Ginagamit ko ang wika ng bansa, Senyora."
"Nagsasalita rin ba kayo ng Ingles?" tanong ng Dominiko na nakapanirahan sa Hong Kong at mahusay magsalita ng Pidgin-English, ang hinalo-halong wika ni Shakespeare sa gamit ng mga anak ng Imperyong Selestiyal.
"Santaon ako sa Inglatera sa piling ng mga tao na Ingles lamang ang sinasalita."
"At aling bansa ang mas naibigan ninyo sa Europa?" tanong ng binatang mapula ang buhok.
"Kasunod ng Espanya, ang aking pangalawang Inang Bayan, alinmang bansa sa malayang Europa."
"At kayo na tila lubhang nakapaglakbay…ano ang nakita ninyong lalong katangi-tangi?" tanong ni Laruja. Wariing nagnilay si Ibarra.
"Katangi-tangi, sa anong paraan?"
"Halimbawa, tungkol sa buhay-buhay sa mga bayang iyon. Ang buhay panlipunan, pampolitika, panrelihiyon, sa lahat na, sa pinakadiwa, sa kabuuan…"
Matagal naglimi si Ibarra.
"Ipagtatapat ko, ang kahanga-hanga sa mga bayang iyon, pagkatapos iwaksi ang pambansang pagpapahalaga sa sarili ng bawat isa… Bago dumalaw sa isang bansa, sinisikap kong pag-aralan ang kasaysayan nito, ang Exodo nito kung masasabi ko ito, at pagkatapos itinuturing kong natural ang iba pa—lagi kong nakikita na umaalinsunod ang kasaganaan o kahirapan ng mga bayan sang-ayon sa kanilang kalayaan o mga kaabalahan, at kaagapay niyon sang-ayon sa pagpapakasakit o pagkamakasarili ng kanilang mga ninuno."
"At wala ka nang mas nakita riyan?" pakutyang tanong ng tumatawang Pransiskano, na walang imik buhat nang simulan ang hapunan, dahil nalilibang marahil sa pagkain. "Sayang ang ginugol mong yaman para ganiyan lang ang matutuhan. Alam iyan ng kahit sinong bata sa eskuwelahan!"
Napatingin sa kaniya si Ibarra at hindi maapuhap ang sasabihin. Gulilat ang iba, nagkatinginan at nangangambang magkagulo. "Tapos na ang hapunan at bundat na ang Kaniyang Reberensiya," sasabihin sana ng binata ngunit nagtimpi at walang tinuran kundi ang sumusnod: "Mga ginoo, huwang ninyong ipagtaka ang palagay na trato sa akin ng aming dating kura. Ganiyan din ang trato niya sa akin noong musmos pa ako, sapagkat sa tingin ng Kaniyang Reberensiya ay walang saysay ang mga nagdaang taon. Ngunit nagpapasalamat ako sa kanila sapagkat tumingkad ngayon sa aking alaala ang mga araw na malimit dumalaw ang Kaniyang Reberensiya sa aming bahay at binibigyang-dangal ang mesa ng aking ama."
Panakaw na sumulyap ang Dominiko sa Pransiskanong nagsimulang manginig. Nagpatuloy si Ibarra kasabay ang tindig:
"Ipahintulot ninyo ang aking paglisan, ngunit kararating ko lamang at kailangan kong umalis bukas. Marami akong bagay na kailangang asikasuhin. Natapos na ang pinakamahalagang bahagi ng hapunan at hindi ako gaanong umiinom ng alak at halos hindi tumitikim ng likor. Mga ginoo, alang-alang sa ikabubuti ng Espanya at Pilipinas!"
At tinungga ang isang kopita na noon lamang niya ginalaw. Walang kibong sinundan siya ng matandang tenyente.
"Huwag kayong umalis!" pabulong na wika sa kaniya ni Kapitan Tiago. "Darating na si Maria Clara; sinundo siya ni Isabel. Paparito ang bagong kura ng inyong bayan, na isang santo."
"Paparito ako bukas bago umalis. May isang napakahalagang dalaw ngayon na dapat kong gawin."
At umalis. Samantala, ibinulalas ng Pransiskano ang kaniyang sama ng loob.
"Nakita na ninyo?" wika sa binatang mapula ang buhok habang ikinukompas ang kutsilyong panghimagas. "Bunga iyan ng kapalaluan! Hindi makatiis na masabihan sila ng kura. Akala nila mga dakilang tao na sila! Ito ang masamang bunga ng pagpapadala ng mga kabataan sa Europa. Kailangang ipagbawal ito ng gobyerno."
"At ang tenyente," wika ni Donya Victorina na nakikiayon sa Pransiskano, "buong gabing nakakunot ang noo. Mabuti ngang iniwan tayo. Ang tanda-tanda na, tenyente pa lang!"
Hindi malimot ng ginang ang banggit sa kaniyang kulot at pagkatapak sa kaniyang nagwas.
Sa gabing iyon, isinulat ng binatang mapula ang buhok bukod sa ibang bagay ang sumusunod na kabata sa kaniyang Estudios Coloniales:
"Kung paano nakasira sa kasayahan ng isang piging ang isang leeg at isang pakpak ng manok sa samplatong tinola ng isang prayle." At bahagi ng kaniyang mga pagmamasid ang sumusunod:
"Sa Pilipinas, pinakawalang kabuluhan sa isang hapunan o pista ang may handa. mangyayaring palayasin ang may bahay at matiwasay na magpapatuloy ang lahat."
"Sa kasalukuyang kalagayan ng bagay-bagay sa Pilipinas, halos ikabubuti ng mga Pilipino na pagbawalan silang umalis ng kanilang bayan at huwang silang turuang bumasa…"