5 - ISANG BITUIN SA GABING MADILIM.
Pumanhik si Ibarra sa kaniyang silid na nakapanunghay sa ilog, sumadlak sa isang silyon, at sinalamin ang lawak na idinulot ng nakabukas na bintana. Napakaliwanag ng bahay sa tapat, sa ibayong pampang, at umaabot sa kaniya ang masiglang tugtugan na pinangingibabawan ng mga instrumentong de-kuwerdas. Kung hindi sana lubhang balisa ang binata at naging mausisa nang kaunti, marahil hinangad niyang tanawin sa tulong ng largabista ang nangyayari sa gitna ng mga ilaw. Hinangaan sana niya ang isa sa mga kagila-gilalas na pangitain, isa sa mga malikmatang namamalas paminsan-minsan sa malalaking dulaan sa Europa—lumilitaw sa saliw ng malambing na tugtog ng orkestra, sa gitna ng ambon ng ilaw, ng silakbo ng diyamante't ginto, sa loob ng palamuting silanganin, nababalot sa manipis na habi, ang isang diwata, isang silfide, lumalakad nang waring hindi sumasayad sa sahig, naliligid at may kaalakbay na isang maningning na sinag.
Namumukadkad sa harap niya ang mga bulaklak, pumipitlag ang sayaw, sumisikdo ang himig, at umiindak ang pulutong ng mga diyablo, nimpa, satiro, multo, sagala, anghel, pastol, inaalog-alog ang kanilang mga tamburin, habang paikot-ikot at isa-isang nag-aalay sa paanan ng diyosa. Nakita sana ni Ibarra ang isang napakagandang binibini, balingkinitan, nakabihis sa maringal na kasuotan ng mga dalagang anak ng Pilipinas, sa gitna ng isang bilog, na binubuo ng lahat ng uri ng taong pakompas-kompas at pagalaw-galaw. May mga Tsino roon, Espanyol, Filipino, militar, prayle, matatandang ginang, kabataan, atbp. Nakatabi kay Padre Damaso ang kagandahang iyon. Nakangiting tulad ng isang mapalad si Padre Damaso. Si Padre Sibyla—oo si Padre Sibyla—ang nakikipag-usap sa binibini, samantalang inaayos ni Donya Victorina sa malagong buhok ng dalaga ang isang tuhog ng nagkikinangang perlas at diyamante. Maputi siya, napakaputi marahil. Halos laging nakatingin sa ibaba ang mga mata ngunit naghahayag ng isang busilak na kaluluwa kapag itinaas. Kapag ngumingiti siya at itinatanghal ang kaniyang mapuputi't maliliit na ngipin, maaaring wikain na isang halaman lamang ang rosas at isang pangil lamang ng elepante ang garing. Sa ibabaw ng nanganganinag na habing pinya at sa ligid ng kaniyang maputi't nilalik na leeg at kumikindat, ayon sa kasabihan ng mga Tagalog, ang masasayang mata ng isang kuwintas na brilyante. Isang tao lamang ang tila hindi naaakit, wika nga, ng kaniyang maningning na kapangyarihan. Isa itong batang Pransiskano, matangkad, payat na payat, maputla, hindi kumikilos na nagmamasid lamang mula sa malayo, tila isang estatwa, halos hindi humihinga. ^d7f415
Ngunit alinman dito'y hindi nakita ni Ibarra; ibang bagay-bagay ang nakikita niya. Apat na marusing at hubad na pader na bumabakod sa isang maliit na silid; isa sa mga ito ang may rehas sa itaas. Sa ibabaw ng marumi't nakadidiring sahig, isang banig, at sa ibabaw ng banig. isang matandang lalaking naghihingalo. Palinga-linga ang matandang naghihirap huminga at lumuluhang inuusal-usal ang isang pangalan. Nag-iisa ang matanda. Paminsan-minsang naririnig ang kalansing ng isang kadena o isang hibik na naglalagos sa pader… Saka sa malayo, sa isang masayang pista, halos isang bakanal, humahalakhak ang isang binata, humihiyaw, ibinubuhos ang alak sa mga bulaklak sa gitna ng palakpakan at lasing na tawanan ng iba. At kamukha ng kaniyang ama ang matanda, kahawig niya ang binata, at pangalan niya ang inuusal nito.
![note] maybe this is bcs Ibarra felt distanced from his bayan (the house), and it also plays into the feeling of him remembering it (looking at it), but his bayan not remembering him back.
Ito ang nakita ng sawimpalad.
Namatay ang mga ilaw ng bahay sa tapat, huminto ang musika at ingay, ngunit napapakinggan pa rin ni Ibarra ang kahambal-hambal na himutok ng kaniyang ama, hinahanap ang anak sa kaniyang huling sandali.
Ibinuga ng katahimikan ang baog na hininga sa buong Maynila. Nahimlay wari ang lahat sa bisig ng kawalan. Naririnig ang tilaok ng tandang kasalit ng tugtog ng mga orasan sa mga tore at ang matamlay na sigaw panggising ng mga bantay. Dahan-dahang sumilay ang sampirasong buwan. Nagpapahingalay na ang lahat; oo, nahimbing din maging si Ibarra, marahil napagod dahil sa kaniyang malulumbay na agam-agam o dahil sa paglalakbay.
Ngunit ang batang Pransiskano na nakita natin kanginang walang-tinag at walang-imik sa gitna ng sigla ng sala ay hindi makatulog, naglalamay. Nakatukod ang siko sa pasamano ng bintana ng kaniyang silid, sapupo ang maputla't yayat na mukha, tahimik na tinatanaw sa malayo ang isang bituing kumikislap sa dilim ng kalangitan. Lumamlam ang bituin at naglaho, nagmaliw ang natitirang kinang ng paliit na buwan, ngunit hindi tumitinag ang prayle; minamasdan ngayon ang malayong dako na smasanib sa ulap ng umaga, sa dakong parang ng Bagumbayan sa dakong dagat na natutulog pa.