Santiago de los Santos
Ibang Pangalan
"Kapitan Tiago" "Kapitan" "Santiaguillo" Batay sa Kabanata 6
Mga Relasyon
Pia Alba - (Dating) Asawa Batay sa Kabanata 6 María Clara de los Santos - (Illehitimong) Anak Batay sa Kabanata 6 Isabel - Kapatid Batay sa Kabanata 6 Rafael Ibarra - Kaibigan at ka-negosyo Batay sa Kabanata 6 Perez - Kaaway Batay sa Kabanata 6 Donya Patrocinio - Kaaway Batay sa Kabanata 6
Pisikal na Paglalarawan
Pandak siya, maputi ang kutis, bilugan ang katawan, at may mukhang salamat sa masaganang taba, na hulog ng langit ayon sa kaniyang mga tagahanga ngunit mula sa dugo ng maralita ayon naman sa kaniyang mga kaaway, mukhang higit na bata si Kapitan Tiago kaysa tunay niyang gulang. Aakalain ninuman na mga tatlumpu hanggang tatlumpu't limang taon lamang siya. Palagi siyang anyong banal sa panahong tinutukoy ng aming salaysay. Bilog ang kaniyang bungo, maliit at natatakpan ng buhok na kasing-itim ng kamagong, mahaba sa harap at maikling-maikli sa likod. Maraming lamang bagay-bagay, ayon sa sabi-sabi, ang hukay nito sa loob. Maliliit ang kaniyang mata bagaman hindi singkit at hindi nagbabago ang ipinahahayag kailanman. Manipis ngunit hindi sarat ang kaniyang ilong, at kung hindi nasira ang kaniyang bibig ng labis na pagnganga ng tabako't buyo at natabingi ang kaniyang mukha dahil sa pagtitipon ng sapal sa loob ng isang pisngi, masasabi sana namin na maaari niyang paniwalaan at maipalagay na maganda siyang lalaki. Sa kabila ng gayong bisyo, naiingatan niya upang laging maputi ang kaniyang sariling mga ngipin at ang dalawang ipinahiram sa kaniya ng dentista sa halagang labindalawang piso ang isa.
Mga Pagkakakilanlan at Katangian
Negosyo
Itinuturing siyang isa sa mga ulo ng yamang propyetaryo sa Binondo at isa sa mga tinitingalang asendero dahil sa kaniyang mga lupain sa Pampanga at Laguna de Bay, lalo na sa bayan ng San Diego, na tumataas taon-taon ang buwis o upa. Maraming ari-arian si Kapitan Tiago sa Sto. Cristo, sa Kalye Anloague, at sa del Rosario. Siya at isang Tsino ang may hawal ng kontrata sa opyo, at hindi na kailangang sabihin na napakalaki ng nakukuha nilang pakinabang.
Relihiyon
Hindi mapag-aalinlanganan, halos tiyak na kasundo niya ang Diyos. Walang dahilang hindi makasundo ninuman ang mabait na Diyos kapag mabuti ang katayuan niya sa lupa, at kung hindi siya nakipag-usap kailanman sa Kaniya ay hindi rin naman Niya siya pinautang kailanman. Hindi kailanman dumulog si Kapitan Tiago sa Kaniya sa kaniyang mga dalangin, kahit na sa panahon ng kaniyang malalaking kagipitan. Mariwasa siya at ang ginto niya ang nagdarasal para sa kaniya. Subalit, higit niyang pinangangakuan at lagi naman tinutupad ang Birhen sa Antipolo, ang Nuestra Senora dela Paz y Buenviaje. Sa ibang maliit na santo, hindi siya lumalapit nang maagap at kapuri-puri; kapag natanggap na ang nais, hindi na niya sila naaalaalang muli bagama't totoo ring hindi na sila muling inaabala kahit mangailangan pa. Ang isa pa, may palagay siya na ang Birhen sa Antipolo ang lalong makapangyarihan at lalong mabisa kaysa ibang Birhen, kahit na may dalang mga bastong pikas, mga hubad o nakadamit na Niño Jesus, mga kalmen, mga rosaryo, or mga kordon.
Politika
Wala ring alinlangan bagama't mahirap paniwalaan na kasundo siya ng Pamahalaan. Dahil wala siyang kakayahang mag-isip ng isang kabaguhan at lubos nang nasisiyahan sa kaniyang modus vivendi, nakalaan siya sa lahat ng sandali na sumunod kahit sa pinakamababang opisyal sa alinmang opisina, maghandog mga pata ng hamón, mga kapon, mga pabo, mga prutas buhat Tsina sa anumang panahon sa buong santaon. Naging gobernadorsilyo siya ng masalaping gremyo ng mga mestiso, sa kabila ng pagtutuol ng marami na hindi gayon ang turing sa kaniya.