Halos nasa pampang ng lawa ang bayan ng San Diego sa gitna ng mga bukirin at palayan, Nagluluwas ito ng asukal, bigas, kape't prutas o ipinagbibili ang mga ito nang napakamura sa Tsino na nagsasamantala sa kamuslakan at mga bisyo ng mga magsasaka.

Kapag isang araw na maaliwalas at umakyat ang mga batang lalaki sa pinakatuktuk ng tore ng simbahan, na napapalamutian ng lumot at mga halamang ilahas, napapasigaw sila sa galak dahil sa kagandahan ng tanawing nakaalay sa kanilang paningin. Sa gitna ng kulumpon ng mga bubong na pawid, tisa, yero't kabonegro, pinaghiwa-hiwalay ng mga taniman at mga halamanan, nakikita ng bawat isa ang kani-kaniyang maliit na bahay, ang kani-kaniyang munting pugad. Nagiging palatandaan nila ang bawat bagay: isang punongkahoy, ang sampalok na kakaunti ang dahon, ang punong niyog na hitik sa bunga, tulad ng mapagbigay-buhay na si Astarte o ni Diana ng Ephesus na maraming suso, isang kawayang pakunday-kunday, isang puno ng bunga, isang krus. Hayun ang ilog, napakalaking ahas na kristal, natutulog sa luntiang alpombra, manaka-nakang kumukulot ang agos sa mga tipak ng batong nakakalat sa kaniyang mabuhanging higaan. Hayun, kumikitid ang daloy ng ilog sa pagitan ng dalawang mataas na pampang na kinakapitan ng mga nakalitaw na ugat ng mga pili-pilipit na puno; at dito namumuo ang isang banayad na dalisdis at lumuluwang at umaamo ang ilog. Hayun, sa dako roon, may isang dampang nakatirik sa gilid, tila humahamon sa kaitaasan, sa hangin, at sa kalaliman, at dahil sa mahagway na mga haligi, mistulang dambuhalang tagak na nag-aabang ng uhas na matutuka. Mga puno ng niyog o kahoy na may balat pa, gumagalaw at umuuga, ang nag-uugnay sa magkabilang pampang at kung sakali mang masama itong tulay ay mainam namang gamit upang magsanay sa paninimbang kaya hindi dapat maliitin. Nalilibang ang mga bata mula sa pinaliliguang ilog lalo't pinanonood ang isang babaeng tumatawid na may sunong na bakol o isang matandang lalaking nanginginig sa pagtulay at nabibitiwan ang tungkod na nahulog sa tubig.

Subalit laging umaakit ng pansin ang isang tila tangway ng kagubatan sa karagatang iyon ng mga lupaing nilinang. May napakatanda nang mga punongkahoy roon, may mga guwang ang katawan, ngunit namamatay lamang kapag tinamaan ng kidlat ang matayod na tuktok at masunog. Sinasabing hindi lumalaganap ang apoy at doon din namamatay.

May malalaking bato roon na binihisan ng pelus na lumot ng panahon at kalikasan, naipong suson-suson ang alikabok sa mga lungaw, pinaikpik ng mga ulan at bininhian ang mga ibon. Malayang lumalago ang mga halamang tropikal: mga dawag, mga damo, mga tabing at sala-salabid na baging, bumabagtas sa mga puno, nangaglawit sa mga sanga, nangungunyapit sa mga ugat, sa lupa, at waring itinanim ng isang hindi pa nasisiyahang diyosa sa ibabaw ng ibang halaman. Nabubuhay ang lumot at kabute sa mga pumutok na balat. At ang mga dapo, maririkit na panauhin, nakikiyakap kapiling ng mga dahon sa mapagkalingang puno.

Iginagalang ang gubat na iyon. Marami itong kataka-takang alamat subalit ang malapit sa katotohanan kaya hindi gaanong pinaniniwalaan at malaganap ay ang sumusunod.

Noong sasandakot pa lamang ang mga dukhang kubo ng bayan at malagong tumutubo pa ang damo as matatawag na daan, sa mga panahong iyong pumapasok pa kung gabi ang mga usa't baboy-damo, dumating isang araw ang isang matandang Espanyol na malalalim ang mata at may sapat na kaalamang mag-Tagalog. Matapos dalawin at suriing mabuti, ipinagtanong ang mga may-ari ng gubat na binubukalan ng mainit na tubig. Humarap ang ilang nagkunwang may-ari at nakamit ito sa kanila ng matanda kapalit ng mga damit, alahas, at kaunting salapi. pagkatapos, walang nakaalam kung bakit at paano, nawala siya. Naniniwala na sana ang mga tao na isa siyang engkantado, nang tumawag sa pansin ng ilang pastol ang isang lubhang mabahong amoy na nanggagaling sa kalapit na gubat. Sinundan nila at natagpuan ang matandang nabubulok, nakabitin sa isang sanga ng balete. Kinatakutan na siya noong buhay pa dahil sa kaniyang tinig na malalim at malagong, at dahil sa kaniyang mga matang nakalubog at tawang walang taginting. Kaya't ngayong nagpatiwakal, ginambala niya ang pagtulog ng mga babae. Itinapon ng ilan ang mga alahas sa ilog at sinunog ang mga damit. At buhat nang ilibing ang bangkay sa paanan ng balete, wala nang nangahas gumawi roon. Isang pastol, na naghahanap ng kaniyang mga alaga, ang nag-ulat na nakakita siya ng mga ilaw. Pumaroon ang mga ninata at sila man ay nakarinig ng mga taghoy. Isang sawing mangingibig, upang matawag man lamang ang pansin ng mapang-abang sinisinta, ang nangakong magpapalipas ng gabi sa lilim ng puno at ibibilibid ang sarili sa matibay na uway. Namatay siya sa isang biglang lagnat na dumapo sa kaniya kinabukasan ng gabing makipagpustahan siya. Marami pang ibang kuwento't alamat na lumalaganap hinggil sa pook na ito.

Makaraan ang ilang buwan, dumating ang isang binata, mukhang mestisong Espanyol, at nagsabing anak siya ng namatay. Nanirahan siya roon at ibinuhos ang panahon sa pagsasaka, lalo na sa pagtatanim ng tayum. Tahimik na binata si Don Saturnino. May ugali siyang mapusok, malupit kung minsan, ngunit napakasigasig at napakasipag. Binakuran ng pader ang puntod ng kaniyang ama, na pana-panahon lamang niya dinadalaw. Matanda na siya nang ikasal sa isang dalagang taga-Maynila, na nagsilang kay Don Rafael, ang ama ni Crisostomo.

Mula pagkabata, napamahal na si Don Rafael sa mga magbubukid. Mabilis na lumaganap ang pagsasaka, na dala't pinagyaman ng kaniyang ama; dumagsa ang mga bagong dayo, dumating ang maraming Tsino, mabilis na naging bayan-bayanan ang nayon at nagkaroon ng isang kurang katutubo. Pagkaraang maging bayan ang bayan-bayanan, namatay ang kura at dumating si Padre Damaso. Gayunman, nanatiling iginagalang ang libingan at ang karatig-lupain. Kung minsan, nangangahas gumala sa paligil ang mga batang lalaki, may dalang mga panghampas at bato, upang manguha ng bayabas, papaya, duhat, atbp. Malimit mangyari na sa kasidhian ng kanilang ginagawa o kung tahimik nilang pinanonood ang lubid na nakabiting uugoy-ugoy sa sanga, saka lalagpak ang isa, dalawang bato na hindi malaman kung saan galing. Kasunod ng sigaw na "Ang Matanda! Ang Matanda!" itatapon nila ang mga prutas at panghampas, maglulundagan sila mula sa mga puno, magtatakbuhan sa batuhan at dawagan. walang humpay hanggang makalabas sa gubat. Namumutla, humihingal ang lahat, umiiyak ang iba, at iilan ang tumatawa.

No hemos podido encontrat ningun pueblo de este nombre, pero si muchos de estas condiciones "Wala kaming matagpuang bayan na may ganitong pangalan, ngunit napakaraming may ganitong kalagayan."

Built with LogoFlowershow