8 - MGA ALAALA
Nagdaan ang karwahe ni Ibarra sa pinakamasiglang karatig-pook ng Maynila. Ang nagpalungkot sas kaniya nitong nagdaang gabi ay nagpangiti sa kaniya ngayon sa liwanag ng araw sa kabila ng kaniyang alalahanin.
Ang walang humpay na sigla sa lahat ng dako, ang makapal at matuling paroo't paritong mga karwahe, mga karomata, mga kalesa, mga Europeo, mga Tsino, mga katutubo, mga kani-kaniyang paraan ng pananamit, mga nagtitinda ng prutas, mga naglalako, isang hubad na kargador, mga puwesto ng pagkain, mga ponda, mga restoran, mga tindahan, pati mga karitong hila ng walang tigatig at walang-bahalang kalabaw na tila nalilibang sa paghila ng mabibigat habang nag-iisip, lahat-lahat, ang ingay, kalabog, kahit na ang araw, isang namumukod na amoy, ang halo-halong kulay ay pumukaw sa kaniyang gunita ng isang daigdig ng mga nakahimlay na alaala.
Wala pang latag na bato ang mga kalye. Kapag dalawang sunod na maghapong nagningning ang araw, nagpupuro alikabok ang mga ito, alikabok na tumatabon sa lahat, nagpapaubo at bumubulag sa mga naglalakad. Kapag umulan naman maghapon, nagiging mga labak ito, kumikinang sa ilaw ng mga karwahe kung gabi, tumitilamsik na putik hanggang sa layong limang metro sa mga naglalakad sa makikitid na bangketa. Ilang babae na ang nakaiwan ng kanilang bordadong sinelas sa umaalong putikang iyon!
Nagkataon naman na pinapaikpik ang mga kalye ng isang hanay ng bilanggo, kinalbo, nakasuot ng barong maikli ang manggas at salawal na hanggang tuhod na may numero't letrang asul, may kadena sa mga binti na bahagyang binalot sa maruming basahan upang mabawasan ang kirot ng kiskis o marahil ang lamig ng bakal. Kabit-kabit sila, dala-dalawa, sunog sa araw, patâ sa init at pagod, pinakikilos at himahampas ng isang kapuwa bilanggo na naaaliw marahil dahil nakapagmamalupit sa iba, Matatangkad silang lalaki, may mukhang mapapanglaw, at hindi man lamang niya nakitang pinaaliwalas ng isang ngiti. Kumikislap, kahit paano, ang kanilang balintataw kapag lumalagpak nang humahaging ang pamalo sa kanilang balikat o kapag may nagdaraang naghagis sa kanila ng kahit mamasa-masa at lapirot nang upos ng tabako. Pupulitin ito ng pinakamalapit at itatago sa kaniyang salakot samantalang nananatiling nakatingin nang kakatwa sa mga nagdaraan ang ibang kasamahan. Waring nanatili pa sa pandinig niya ang ingay ng dinudurog na bato upang ipantambak sa mga lubak at ang masayang kalansing ng mabibigat na damal sa kanilang namamagang bukumbukong.
Kinikilabutang naalaala ni Ibarra ang isang tagpong sumugat sa kaniyang musmos na guniguni. Oras ng siyesta noon at napakatindi ang init ng araw. Sa lilim ng isang karitong kahoy, nakatimbuwang ang isa sa mga lalaki, patay, bahagyang nakadilat. Tahimik na gumagawa ang dalawang lalaki ng isang kawayang kamilya, walang bahid ng galit, walang bahid ng lumbay, walang bahid ng pagmamadali, tulad ng karaniwang ipinalalagay na katangian ng mga katutubo. Ikaw ngayon, kami bukas, maaaring sinasabi nila sa sarili. Paroo't parito ang mga tao na walang malasakit, nagmamadali; nagdaraan ang mga babae, tatanghod, at tutuloy sa paglakad. Karaniwan nang tanawin ito at tumigas na ang mga puso. Sumasalimbay ang mga karwaheng nangingintab ang barnisadong katawan sa maningning na sikat ng araw sa langit na walang ulap. Siya lamang, isang baguntaong labing-isang taon ang gulang, kararating mula sa kaniyang bayan ang nahabag. Siya lamang ang binangungot kinagabihan.
Wala na ang mabuti't marangal na Puente de Barcas, ang tulay ng mabuting Filipino, na ginagawa ang lahat upang makapaglingkod sa kabila ng mga katutubong kakulangan, na tumataas at bumababa sang-ayon sa sumpong ng Pasig, at di'miminsang sinalanta't winasak ng naturang ilog.
Hindi na lumago ang mga talisay sa Plaza de San Gabriel; yayat pa ring tulad ng dati.
Hindi na gayon kaganda sa wari niya ang Escolta kahit na may isang malaking gusali at karyatid ang mga haligi na humalili sa kinalalagyan ng mga lumang kamalig. Napansin niya ang bagong Puente de España, ang mga bahay sa kanang pampang ng ilog sa pagitan ng kawayanan at kakahuyan, doon sa dulo ng Escolta at simula naman ng Isla del Romero. Ipinagunita nito sa kaniya ang malalamig na umaga kapag dumaraan sila roong nakabangka patungong mga paliguan ng Uli-Uli.
Marami siyang nakasalubong na mga karwaheng hila ng mga mainam ang katawan ngunit pandak na kabayo. Sa loob ng mga karwahe, may mga epleadong nakakatulog pa halos at patungo marahil sa kanilang mga opisina, mga militar, mga Tsino sa mga posturang hangal at katawa-tawa, mga pormal na prayle, mga kanonigo, atbp. Waring namataan niya ang magarang victoria ni Padre Damaso, pormal at kunot ang noo, ngunit nakalampas ito at masaya siyang binabati ngayon ni Kapitan Tinong mula sa karitela nito kasama ang asawa't dalawang anak na babae.
Tumotrote ang mga kabayo sa may pagbaba ng tulay patunong Paseo de la Sabana. Sa kaliwa, maririnig sa Fabrica de Tabacos de Arroceros ang dagundong na likha ng mga sigarera sa pagpukpok nila ng mga dahon. Hindi mapigil ni Ibarra ang ngiti nang magunita na ang masangsang na amoy na iyon na umaalingasaw sa buong Puente de Barcas tuwing ikalima ng hapon ang ikinahihilo niya noong bata pa. Wala sa loob na bumalik sa kaniyang guniguni ang masisiglang kuwentuhan, ang mga biruan, ang nayon ng Lavapies sa Madrid at ang pag-aalsa ng mga sigarera doon na nagdulot ng malubhang kasawian sa mga sawimpalad na alagad ng batas, abtp.
Pinawi ng Jardin Botanico ang kaniyang kalugod-lugod na mga alaala. Iniukilkil ng tuksong maghambing ang mga nakita niyang harding botaniko sa Europa, sa mga bayang nangangailangan ng malaking tiyaga't malaking halaga upang magpasibol ng isang dahol at mapabukad ang buko ng isang bulaklak; at lalo na ang sa mga kolonya, mayaman at inaalagaang mabuti at nakabukas lahat sa madla. Inilayo ni Ibarra ang kaniyang tingin, luminga sa kaniyang kanan, at namasdan ang matandang Maynila, naliligid ng kaniyang mga muralya't mga hukay na malalim, kahawig ng isang sakiting dalaga at nakabihis ng damit sa panahon ng kaniyang impo.
Ang tanawing dagat na naglalaho sa laot!
"Nasa ibayo ang Europa!" naisip ng binata. "Ang Europa ng kaniyang mga bansang walang humpay na pagkilos, hinahanap ang kaligayahan, nangangarap tuwing umaga at hinaharap ang katotohanan paglubog ng araw…Kaligayahan sa gitna ng kanilang malalaking kapahamakan! Oo, nasa ibayo ng walang-hanggang dagat ang mga nasyong espiritwal, na bagamang hindi nagtatakwil ng mga bagay na materyal ay higit pa ring espiritwal sa mga nagpapanggap na sumsamba sa espiritu."
Ngunit naglaho sa kaniyang guniguni ang mga kaisipang ito nang matanaw ang iasng burol sa parang ng Bagumbayan. Ang burol, nakahiwalay, sa tabi ng Paseo de la Luneta, ang tumawag ngayon sa kaniyang pansin at pinagmuni niya.
Naisip niya ang tao na nagmulat sa kaniyang bait, nagpaunawa sa kaniya ng mabuti't makatarungan. Ikinintal sa kaniya ang mga kaisipan, na oo nga't iilan, subalit hindi naman walang kabuluhang ulit-ulitin, Mga pananalig itong hindi pumupusyaw sa matingkad na liwanag ng Kaunlaran. Isang matandang saserdote1 ang matandang iyon at umaalingawngaw sa kaniyang pandinig ang sinabi nito nang magpaalam siya. "Huwag mong kalimutan na kahit pamana sa sangkatauhan ang karunungan, walang nagtatamo nito kungi ang may puso," paalala sa kaniya. "Sinikap kong isalin sa iyo ang mga natanggap ko sa aking mga guro, sinikap kong idagdag sa kayamanang iyan ang abot ng makakaya ko at maisasalin sa darating na henerasyon. Gawin mo rin ito sa sumusnod sa iyo, at kung maaari'y tatluhing ibayo mo sapagkat pupunta ka sa napakayayamang bansa." At nangingiting idinugtong, "Pumarito silang naghahanap ng ginto, pumaroon naman kayo sa kanilang bayan upang hanapin ang ibang uri ng gintong kailangan natin! Tandaan mo lamang kahit paano na hindi ginto ang lahat ng kumikinang." Sa Bagumbayan namatay ang taong iyon.
Sinagot niya ang mga alaalang ito nang pabulong, "Hindi, sa kabila ng lahat, una muna ang Inang Bayan, una muna ang Pilipinas, anak ng Espanya, una muna ang bayang Espanyola. Hindi, ang sawing kapalaran ay hindi dapat ikasirang puri ng Inang Bayan. Hindi!"
Hindi tumawag ng kaniyang pansin ang Ermita, ang Fenix na pawid, bumangon mula sa kaniyang abo sa anyo ng mga bahay na pinintahan ng puti't asul, mga bubungang yero na pinintahan ng pula. Hindi nakaakit ng kaniyang paningin ang Malate, ni ang kuwartel ng kabalyeriya2 na may mga punongkahoy sa harapan, ni ang mga mamamayan, ni ang mga dampang pawid na kung hindi piramidal ay prismatiko ang bubong, nakakubli sa mga puno at bunga ng saging, itinayo, tulad ng mga pugad, ng mga padre de-pamilya.
Patuloy na umikot ang gulong ng karwahe. Nasalubong ang isang karomatang hila ng isa o dalawang kabayo at ipinagkanulo ng abakang guwarnasyon na buhat sa lalawigan. Sinikap ng kutserong makita ang sakay ng makintab na karwahe na lumampas nang hindi man lamang bumati ni nagpugay. Kung minsan, isang karitong hila ng isang kalabaw na banayad at mapagwalang-bahala ang imbay ang nagpapasigla sa malalapad at maaalikabok na lansangan, habang naliligo sa maningning na araw tropiko. Sa malumbay at nakababagot na himig ng awit ng tagapatnubay na nakasakay sa kalabaw, sumasaliw ang nakatutulig na langitngit ng tuyong gulong na mabigat na sasakyang may hindi magkatugmang ehe. Sumisingit kung minsan ang magalasgas na paghilahod ng pudpod na paa ng paragos, ang sasakyang walang gulong ng Pilipinas, na umuusap sa maalikabok o malubak na lansangan. Sa mga bukid, sa mga pastulan, nanginginain ang mga butado, kahalubilo ang mapuputing tagak, payapang nakadapo sa likod ng mga kinapong baka na bahagyang napipikit sa pagnguya't pagnamnam ng damo sa parang. Sa malayo, nagkakagulo, nagdadambahan, at nag-uunahan ang kawan ng mga kabayong babae, habol ng isang mapusok na potrong mahaba ang buntot at malago ang kiling. Pahali-halinghing ang lalaking kabayo at umiilandang ang tingkal ng lupa pagsadsad ng matitigas nitong kuko.
Bayaan natin ang binatang maglakbay nang nagmumuni o naiidlip. Hindi tumawag ng kaniyang pansin ang malumbay o masiglang tulain ng kabukiran. At ang araw na nagpapakinang sa duklay ng mga punongkahoy at nag-aatas sa mga magsasaka upang tumakbo dahil pinapaso ang mga talampakan ng nagbabagang lupa sa kabila ng sapin-saping lipak; ang araw na pumipigil sa babaeng taganayon upang sumilong sa isang talisay o kawayanan at nag-uudyok sa kaniyang mag-isip ng mga bagay na mahirap mawari at maipaliwanag. Walang pang-akit ang araw na iyon sa ating binata. Balikan natin ang Maynila kahit pasuray-suray, tulad ng isang lasing, ang gulong ng karwahe sa bako-bakong lupain, samantalang tumatawid sa isang tulay na kawayan, sumasalunga sa mataas na gulod o lumulusong nang matulin.
MAPA
Footnotes
-
Maaaring tumutukoy sa isa sa Gomburza, lalo na kay Padre Burgos, na binitay sa Bagumbayan noong estudyante pa si Rizal. Malalim ang naging timo sa kamalayan ni Rizal ng naturang pagbitay at makikita ito sa pag-aalay niya ng El Filibusterismo sa tatlong paring martir. May nagsasabing maaari ding tumutukoy ito kay Padre Leoncio Lopez na naging kakilala ni Rizal. ↩
-
Tinutukoy ang Cuartel de Caballeria o himpilan ng pangkat kabayuhan na nagkaroon ng iba't ibang pangalan. Noong 1806, tinawag itong Husares de Luzon; noong 1823, Caballeria Ligera de Luzon, pagkaraan, naging Dragones de Luzon; noong 1843 Cazadores de Luzon; at noong 1862 tinawag na Escuadron de Lanceros. ↩