Hindi nagkamali si Ibarra. Lulan nga ng victoria si Padre Damaso patungo sa bahay na katatapos niyang lisanin.

"Saan kayo papunta?" tanong ng prayle kina Maria Clara at Tiya Isabel na lumululan na sa isang karwaheng may palamuting pilak. Bagaman sapupo ng mga alalahanin, marahang tinapik-tapik ni Padre Damaso ang mga pisngi ng dalaga.

"Sa beateryo, upang kunin ang aking mga gamit," tugon ng dalaga.

"Ahaaa! Aha! Tingnan natin kung sino'ng mas makapangyarihan, tingnan natin…" wala sa loob na naibulong ng padre na lubhang ipinagtaka ng dalawang babae. Nakayuko at mabagal na nakarating siya sa hagdanan at umakyat.

"Baka magsesermon at isinasaulo!" ani Tiya Isabel. "Akyat ka na, Maria, baka tayo abutin ng hapon."

Hindi namin masabi kung may sermon o wala si Padre Damaso. Subalit napakahalaga marahil ang tuon ng pansin dahil hindi iniabot ang kamay kay Kapitan Tiago, na kailangang bahagyang lumuhod upang makapagmano.

"Santiago!" bungad niya. "Mag-uusap tayo sa napakahalagang bagay. Tayo na sa tanggapan mo."

Hindi mapalagay si Kapitan Tiago. Hindi siya makapagsalita, ngunit tumalima at sumunod sa malaking saserdote, at isinara ang pinto pagkapasok. Samantalang nag-uusap sila nang sarilinan, alamin natin kung ano ang ginagawa ni Pray Sibyla.

Wala sa kumbento ang matalinong Dominiko. Maagang-maaga, pagka-misa, nagtungo siya sa kumbento ng kaniyang orden na nasa bungad ng Puerta de Isabel II, o de Magallanes alinsunod sa naghaharing pamilya sa Madrid.

Hindi niya pinansin ang masarap na samyo ng tsokolate, ni ang ingay ng mga kahon ng salapi buhat sa silid abuluyan; bahagya nang sinagot ang magalang at mapitagang pagbati ng kapatid na prokurador. Pumanhik si Pray Sibyla, binagtas ang ilang pasilyo, at kinatok sa pamamagitan ng buko ng mga daliri ang isang pinto.

"Tuloy!" pahibik ng isang tinig. "Muli nawang ipagkaloob ng Diyos sa Inyong Reberensiya ang inyong kalusugan!" bati ng batang Dominiko pagpasok.

Nakaupo sa isang malaking silyon ang isang matandang saserdote, buto't balat, halos naninilaw, kahawig ng mga santong ipininta ni Rivera. Lubog ang kaniyang mga mata, napuputugan ng makakapal na kilay at dahil halos laging nakakunot ay nagdaragdag ng kinang sa nag-aagaw-buhay niyang mga mata.

Nahahabag siyang pinagmasdan ni Pray Sibyla na nakahalukipkip sa ilalim ng kapita-pitagang kalmen ni Santo Domingo. Pagkatapos, yumoko nang hindi umiimik at waring nag-aantabay.

"Ay!" hibik ng maysakit. "Operasyon ang payo nila sa akin, Hernando, isang operasyon sa edad kong ito! Ang bayang ito, ang teribleng bayang ito! Matuto ka sa inabot ko, Hernando!"

Mabagal na itinaas ni Pray Sibyla ang mata at ipinako sa mukha ng maysakit.

"At, ano ang pasiya ng Inyong Reberensiya?" ang tanong.

"Mamatay! Ay, may iba pa ba akong pagpipilian? Labis akong naghihirap pero… marami akong pinahirapan… nagbabayad ako ng aking utang! At ikaw, kumusta ka? Ano ang dala mong balita?"

"Naparito ako para kausapin kayo tungkol sa ipinagkatiwala ninyong gawain sa akin."

"A! At ano ba iyon?"

"Pst!" yamot na tugon ng nakababata habang umuupo at walang-galang na ibinaling ang ulo sa ibang dako. "Puro haka-haka pala ang natanggap natin. Isang binatang gumagamit ng isip si Ibarra. Hindi mukhang hangal, palagay ko'y mabuti siyang bata."

"Iyon ba ang paniwala mo?"

"Nag-umpisa na ang away kagabi!"

"Talaga? At paano?"

Mabilisang iniulat ni Pray Sibyla ang nangyari kina Padre Damaso at Crisostomo Ibarra.

"Bukod pa," idinagdag bilang pagtatapos, "ikakasal ang binata sa anak ni Kapitan Tiago na nag-aaral sa kolehiyo ng ating mga hermana. Mayaman si Kapitan Tiago, at hindi niya nanaising lumikha ng kaaway kung mawawala ang kaniyang kaligayahan at kayamanan."

Tumango ang maysakit bilang tanda ng pagsang-ayon.

"Oo, pareho tayo ng iniisip… Kung isang tulad niya ang napangasawa at isang tulad niya ang naging biyenan, magiging atin siya, buong-buo ang katawan at kaluluwa. Dahil kung hindi, mas makabubuting lumantad na siyang kaaway natin."

Nagtatakang tiningnan ni Pray Sibyla ang matanda.

"Para sa kabutihan ng ating Korporasyon, ang ibig kong sabihin," dugtong niyang naghihirap huminga. "Ninanais ko pa ang mga tuligsa kaysa mga hangal na papuri't paghanga ng mga kaibigan… na sa katotohanan ay binayaran lamang."

"Iyan ba ang iniisip ng Inyong Reberensiya?"

Malungkot siyang tiningnan ng matanda.

"Tandaan mong mabuti!" sagot na humihingal. "Magtatagal ang ating kapangyarihan hangga't pinaniniwalaan. Kung tinutuligsa tayo, sasabihin ng Gobyerno: Tinutuligsa sila sapagkat nakikita silang hadlang sa kalayaan, kung gayon kailangan natin silang pangalagaan."

"At kung pakinggan ang mga tuligsa? Ganiyan kung minsan ang Gobyerno…"

"Hindi sila pakikinggan!"

"Pero sakaling sa upat ng pag-imbot ay naisin nitong kamkamin ang tinatamasa natin… kung isang mapangahas at mapusok…"

"Kapag nangyari iyon, kawawa siya!"

Kapuwa sila nanahimik.

"Bukod pa," patuloy ng maysakit, "kailangan nating tuligsain tayo, gisingin tayo. Inilalantad nito sa atin ang ating mga kahinaan at makabubuti ito sa atin. Dinadaya tayo ng labis na mga papuri, pinatutulog tayo, pero pinalilitaw tayong katawa-tawa sa iba. At sa araw na maging katawa-tawa tayo, babagsak tayo tulad noong bumagsak tayo sa Europa. HIndi na papasok ang salapi sa ating mga simbahan, wala nang bibili ng mga kalmen at kordon at ng iba pa, at kung hindi na tayo mayaman, hindi na natin magagawang humikayat ng pananalig."

"Pst! Mananatiling atin ang ating mga lupain, ang ating mga ari-arian."

"Mawawala ang lahat tulad noong mawalan tayo sa Europa! At ang masaklap, tayo ang lmilikha ng ating sariling kapahamakan. Halimbawa, iyang pagpupumilit na itaas nang labis taon-taon, at sa kagustuhan lamang natin, ang buwis sa ating mga lupain, iyang pagpupumilit na bigo kong sinalungat sa lahat ng mga Kapitulo, iyang pagpupumilit na iyan ang ikapapahamak natin! Napupuwersa ang mga Indio na bumili sa ibang pook ng mga bukid na lumalabas pang kasimbuti o higit pa kaysa atin. Natatakot akong baka nag-uumpisa na tayong humina: Quos vult perdere Jupiter dementer prius 'Binabaliw muna ni Jupiter ang ibig ipahamak.' Kaya't huwag na nating dagdagan pa ang ating bigat; bumubulong na ang bayan. Magaling ang iniisip mo. Bayaan nating iba na ang umayos sa iba't ibang alitan. pag-ingatan natin ang dangal na natitira pa sa atin, at sapagkat malapit na tayong humarap sa Diyos, maglinis tayo ng ating mga kamay… Mahabag nawa ang Diyos at kaawaan ang ating mga pagkakasala!"

"Naniniwala ba kung gayon ang Inyong Reberensiya na ang upa o buwis…"

"Huwag na nating pag-usapan ang salapi!" naririmarim na sansala ng maysakit.

"Binalaan wika mo ng tenyente si Padre Damaso…?"

"Si, Padre!" tugon ni Pray Sibyla na bahagyang nangingiti. "Pero nakita ko siya kaninang umaga at sinabi sa akin na ikinalulungkot niya ang lahat ng nangyari kagabi, na umakyat ang jerez sa kaniyang ulo, at gayundin sa palagay niya ang sitwasyon ni Padre Damaso. At, ang pangako ninyo? Pabiro kong tanong. Padre kura, ang sagot sa akin, tinutupad ko ang aking salita kapag sa pamamagitan niyon ay hindi ko dudungisan ang aking dangal. Hindi ako, hindi ako kailanman naging manunuplong, kaya naman wala ako kundi dadalawang estrelya lamang."

Pagkatapos pag-usapan ang ibang bagay na hindi gaanong mahalaga, nagpaalam na si Pray Sibyla.

Hindi nga nagsadya sa Malacañang ang tenyente, subalit nakarating sa Kapitan Heneral ang nangyari.

Sa pakikipag-usap niya sa kaniyang mga ayudante hinggil sa mga parunggit na inilalathala ng mga peryodiko sa ilalim ng mga banggit sa kometa at bagay-bagay na nakikita sa langit, isa sa mga ayudante ang nagbalita sa kaniya higgil kay Padre Damaso sa paraang dinagdagan ang kulay bagaman hindi wasto.

"Kanino ninyo nabalitaan?" tanong na nangingiti ng Kaniyang Kataas-taasan.

"Kay Laruja, ikinuwento kaninang umaga sa mga peryodista."

Napangiti muli ang Kapitan Heneral at idinagdag: "Hindi nakauupasala ang babae't ang prayle. Iniisip kong mabuhay nang mapayapa sa nalalabi ko pang panahon sa bayang ito at hindi ko nais ang dagdag na pakikipagtalo sa mga lalaking nagsusuot ng sáya. Bukod dito, alam ko rin na pinaglalaruan ng provincial ang utos ko. Hiningi ko bilang parusa na ilipat ang prayleng iyan. Inilipat naman, pero doon sa lalong mainam na bayan. Frailadas, gaya ng kasabihan natin sa Espanya."

Subalit nang mapag-isa ang Kaniyang Kataas-taasan, naparam ang kaniyang ngiti.

"Ay! Kung hindi lang napakahangal ng bayang ito, itutuwid nito ang aking mga reberensiya," himutok niya. "Pero may kani-kaniyang tadhana ang bawat bayan, at gawin natin ang ginagawa ng lahat."

Samantala, natapos na ang pakikipag-usap ni Kapitan Tiago kay Padre Damaso, o higit na tumpak, ang pakikipag-usap nito sa kaniya.

"May sapat ka nang babala ngayon," wika ng Pransiskano nang magpaalam. "Naiwasan sana ang lahat ng ito kung nagkonsulta ka muna sa akin, kung hindi ka sana nagsinungaling noong tanungin ko ikaw. Tandaan mo sanang huwag nang gumawa ng dagdag na kahangalan! At magtiwala ka sa ninong niya."

Makalawa o makatatlong ulit nagpabalik-balik sa sala si Kapitan Tiago, nagmumuni at pabunto-buntonghininga. Bigla, tila may magandang pumasok sa isip, humangos sa oratoryo at dali-daling pinatay ang mga kandila at ilaw na pinasindihal ukol sa kaligtasan ni Ibarra.

"May panahon pa't napakahaba ng paglalakbay!" bulong niya.

Built with LogoFlowershow